CAVITE – NASAKOTE ng mga operatiba ng Cavite Provincial Drug Enforcement Team ang 20-anyos na Sangguniang Kabataan (SK) councilor na nasa Top 6 Regional Drug Watchlist sa isinagawang buy-bust operation sa bahagi ng Barangay Datu Esmael sa Dasmarinas City noong Huwebes ng gabi.
Base sa police report na naisumite kay Cavite Police Provincial Director P/Col. Marlon Santos, kinilala ang suspek na si Alimar Sultan Bayamba, miyembro ng Pangandag Drug Group na nakabase sa nabanggit na barangay.
Lumilitaw sa imbestigasyon na ilang Linggo na ring isinailalim sa surveillance si Bayamba kung saan nagpositibo ito sa drug trade kaya ikinasa ang buy-bust.
Nasamsam sa suspek ang 5 plastic sachets na shabu na 53 gramo ang timbang at may street value na P360,000.00, weighing scale, marked money at iba’t ibang drug paraphernalia.
Ayon pa sa ulat, ang Pangandag Drug Group ang nagbebenta ng droga sa mga kalapit lungsod at bayan sa Cavite at Laguna kung saan ang lider nito na si Barangay Chairman Dirimpasan Pangandag Unte na Top 1 sa Regional Drug Watchlist ay nadakip ng pinagsanib puwersa ng Cavite PIB, Dasmarinas PNP, 501st RMFB, CEDU at PDEA sa isinagawang drug bust sa Naga City, Camarines Sur noong Pebrero 2020. MHAR BASCO
Comments are closed.