CAVITE – Tatlo-katao kabilang ang 22-anyos na SK kagawad na sinasabing nasa drug watchlist ang nakumpiskahan ng apat na pakete ng pinatuyong dahon ng marijuana sa isinagawang Project Double Barrel Operation ng mga awtoridad sa bahagi ng Barangay Muzon 2 sa bayan ng Rosario, Cavite kahapon ng madaling araw.
Isinailalim sa physical at drug test bago isalang sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Henry “JR” Oyao Jr. y Descalso, SK kagawad; Elmer “Agler” Obciana y De Guia, 27, student; at si Nicole Samonte y Grefiel, estudyante at mga nakatira sa nabanggit na barangay.
Base sa police report na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia, lumilitaw na isinailalim sa masusing surveillance ang mga suspek kaugnay sa impormasyong patuloy na nagpapakalat ng droga sa nabanggit na barangay.
Gayunman, nang magpositibo ang nakalap na impormasyon ay inilunsad ng mga operatiba ng pulisya at Phil. Drug Enforcement Agency (PDEA 4A) ang anti-drug operation laban sa mga suspek.
Bandang alas-4:30 ng madaling araw ay nasakote ang mga suspek kung saan nakumpiskahan ng 4 plastic sachets na pinatuyong dahon ng marijuana na may street value na P600; P90.00 drug money at P200 marked money na ginamit sa drug bust.
Samantala, isa sa suspek na sinasabing menor-de-edad na estudyanteng babae ang dinala sa Municipal Social Welfare and Development (MSWD) habang ang dalawa naman ay nasa police custodial facility. MHAR BASCO