Skills Enhancement Training for Child Development Workers sinimulan sa bayan ng Perez, Quezon

ni Riza R. Zuniga

BILANG paghahanda sa face-to-face ng mga mag-aaral sa Day Care Centers sa darating na ika-22 ng Agosto, nagsagawa ng dalawang araw na training para sa Child Development Workers mula August 3-4, 2022 sa Tourism Convention Center, Barangay Pinagtubigan Weste, Perez, Quezon.

Labing-apat na Child Development Workers mula sa 14 na barangay sa Perez ang dumalo sa pagsasanay bilang pagharap sa hamon ng pandemya. Ilan sa kanila ay nakapaglingkod na ng 30-35 taon bilang Child Development Workers.

Bungad ni Domingo Rabeza III, Municipal Social Welfare Development Officer (MSWDO) ng nasabing bayan, kasama ang Day Care Centers na tumutugon sa mga hamon at epekto ng psycho-social at Covid 19 kung kaya’t may mga pagsasanay na isinasagawa.

Ang namumuno naman sa Committee on Social Services ay si Amelia Occidental-Ramilo, nagsilbing radio broadcaster sa lalawigan ng Quezon ng 15 taon.

“Napakahalaga ng programa, kung paano gagawin ng tama ang pagpapalaki sa mga bata, kung paano huhubugin na maging mabuting mamamayan dahil sila ang susunod na magiging lider,” sabi ni Ramilo.

Dagdag niya, “hindi lang nabibigyan ng sapat na sahod ang mga Child Development Workers. Dapat mabigyan ng tama ang sakripisyo ng child development workers, para magkaroon ng boses at maiparating ang dapat iparating sa lokal na pamahalaan.”

Ang bagong mayor ng Perez, Charizze Marie E. Escalona, ang nagsabi, “Kayo ang second mother o second father ng mga bata. Kayo po ang kasama sa unang hakbang ng mga bata sa pag-unlad. Ako man ay nakapag-aral din sa Day Care Center.”

“Hindi man maibigay ang lahat ng kailangan ninyo, mabawasan man lang ang bigat ng responsibilidad ninyo,” sabi ni Escalona.

Sa naturang pagsasanay, si June Dela Peña, isang Children’s Right Advocate at tagapagsanay sa mga Child Development Workers simula pa noong 1987 ang siyang magbibigay ng Training para sa paghahanda sa mga bagong hamon na kinakaharap ng lungsod tungkol sa Covid 19.

Sabi ni Dela Peña, “Iniatang sa inyo ang mag alaga para makapagtrabaho ang magulang. Ang Day Care Services natin ay naka-base sa China.”

“Pay your attention,” pagbibigay diin ni Dela Peña. Kailangang maibigay nila ang kanilang oras sa pagsasanay at alalahanin ang tatlong mahahalagang bagay: Focus, Gratefulness at Humility.