SKYWAY 3 TOLL-FREE NG 1 BUWAN, BUBUKSAN NA SA DISYEMBRE

SKYWAY 3

BUBUKSAN na sa mga motorista sa Disyembre ang katatapos lamang na Metro Manila Skyway Stage 3 at magiging toll-free sa loob ng isang buwan, ayon sa San Miguel Corp. (SMC).

Sa isang statement,  sinabi ni SMC president and COO Ramon  S. Ang na ang 18-kilometer elevated expressway ay magkakaroon ng soft opening sa susunod na dalawang buwan at ipagagamit nang libre sa lahat ng motorista ng isang buwan.

Noong nakaraang linggo ay inanunsiyo ng SMC na tapos na ang Skyway 3, na nag-uugnay sa Southern at Northern Luzon, na mas maaga sa orihinal na iskedyul na October 31.

Sinabi pa ng kompanya na bahagya na ring binuksan sa publiko ang Buendia to Plaza Dilao section ng Skyway 3 sa loob ng mahigit isang taon.

Ang bahaging ito ay nananatiling bukas at libreng nagagamit ng mga motorista.

“We’re very proud and excited about this project, because it will truly make a big difference to so many people’s lives, especially with our economy slowly opening up and with more vehicles coming back to our roads,” sabi ni Ang.

“While we’re still doing a few finishing works, we want the public to be able to use Skyway 3 already and benefit from the convenience and ease of travel that it will bring. We have all waited long for this project, so this is the best way we can welcome every-one, by making Skyway 3 free for one month,” dagdag pa niya.

Ang proyekto na nag-uugnay sa  South Luzon Expressway (SLEX) at North Luzon Expressway (NLEX) ay magsisilbi ring alternatibo sa EDSA, na may walong access points na dadaan sa Makati, Manila, San Juan, at Quezon City.

Ang access points ay kinabibilangan ng Buendia, Plaza Dilao, Nagtahan, Aurora Blvd., Quezon Ave., Sgt. Rivera, Balintawak, at NLEX.

Comments are closed.