IPINAG-UTOS kahapon ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagpapatigil sa konstruksiyon ng Skyway extension project upang bigyang-daan ang imbestigasyon sa naganap na aksidente noong Sabado na kinasangkutan ng isang steel girder.
Sa isang virtual press briefing, sinabi ni DOLE spokesperson Rolly Francia na sakop ng kautusan ng DOLE-National Capital Region ang buong stretch ng proyekto o mula Susana Heights sa Muntinlupa City hanggang Sucat sa Parañaque.
“Ang pagpapahinto po ng constrctution ay ipinag-utos upang mabigyang-daan ang imbestigasyon upang malaman kung may mga violation na nagawa o na-commit sa construction site at upang alamin din ano ang hawak na lisensiya ng mga contractors at subcontractors at kung may paglabag sa labor and safety standards,” wika ni Francia.
Sinabi ni Francia na ang kautusan na inisyu sa contractor EEI Corp. at sa subcontractors nito ay inisyal na sumasakop lamang sa lugar na pinangyarihan ng aksidente sa Muntinlupa City.
Aniya, tatagal ang suspensiyon hanggang sa alisin ito ng regional office at hanggang sa matapos ang imbestigasyon sa insidente.
Magugunitang isa katao ang nasawi at apat na iba pa ang sugatan nang mahulog ang steel bar mula sa isinasagawang proyekto sa anim na sasakyan sa Muntinlupa City. Naganap ang aksidente sa East Service Road.
Dahil sa insidente ay mauurong ang completion ng proyekto sa Pebrero 2021. Nakatakda sana itong matapos ngayong Disyembre.
Personal na ring humingi ng paumanhin si San Miguel Corp. president and chief operating officer Ramon Ang sa insidente at nangakong magbibigay ng tulong sa mga biktima.
Comments are closed.