CITY OF PASSI – Nalusutan ni David Murrell ng Converge ang 50-point dunk ni rival Tyrus Hill ng Blackwater upang pagharian ang PBA All Stars Slam Dunk Contest kahapon sa City of Passi Arena dito.
May malaking pressure makaraang makakuha si Hill ng perfect score sa malinis na paglundag sa ibabaw ni Jamie Malonzo at pagsalpak ng one-hander sa second round, si Murrell ay bumanat ng 360-degree windmill bilang kanyang final dunk.
Nagbigay ito sa kanya ng 46 points mula sa limang judges na kinabibilangan nina legends Allan Caidic at Noli Locsin, Mayor Stephen Palmares, PBA Press Corps president Gerry Ramos at veteran sportscaster Andy Jao.
Sapat na ito para maungusan ni Murrell si Hill sa final tally, 92-91.
Nakatulong kay Murrell ang kanyang 46 markers sa kanyang 360-degree two-hander sa kaagahan ng first round, kung saan nakakuha lamang si Hill ng 41 sa kanyang attempt sa isang Vince Carter elbow dunk.
Naisaayos ng dalawang Fil-Am high fliers ang showdown para sa korona at P30,000 prize makaraang pangunahan ang pre-finals.
Sina Hill, may 42-50 card, at Murrell, na umiskor ng 48-44, ay tumapos na may magkatulad na 92 points matapos ang dalawang rounds, dahilan para masibak sina NLEX’s Brandon Ganuelas Rosser (89) at Phoenix’s Chris Lalata (81)
Samantala, itinanghal si Paul Lee ng Magnolia bilang PBA All-Stars 3-Point Shootout king makaraang magtala ng 28 points sa championship round upang gapiin sina San Miguel’s Marcio Lassiter (21) at Terrafirma’s Juami Tiongson (18) para sa coveted plum.