SLAUGHTER LOCAL PLAYER NA

Greg Slaughter

MAKAPAGLALARO na si Greg Slaughter para sa Philippine men’s national team bilang isang local player makaraang aprubahan ng Fiba ang kanyang eligibility.

Ibinahagi ng Ginebra big man ang magandang balita sa kanyang social media accounts, sa pagsasabing: “I just found out Fiba has approved my eligibility as a local! Couldn’t be happier about this.”

Ipinalabas ng Fiba Central Board ang desisyon sa naturang usapin noong Biyernes, na nag-aapruba sa status ni Slaughter bilang isang local player.

“After a thorough review of the documentation by (the SBP), Fiba exceptionally authorizes Gregory William Slaughter to play for the Philippine national team without restriction,” nakasaad sa liham na pirmado ni Fiba Secretary General Patrick Baumann.

Kabilang sa kinonsidera ng Fiba sa pagdeklara kay Slaughter bilang isang local player ang pagkuha nito ng Philippine passport sa edad na 17 at pagtira sa bansa sa edad na 19 at hindi na umalis pa.

Labis ang pasasalamat ni Slaughter dahil sa wakas ay magkakaroon na siya ng pagkakataon na samahan ang Nationals sa international campaigns nito.

“I’m looking forward to beginning a wonderful journey with the national team. Para sa bayan!”

Comments are closed.