SLEX WORKER TIGOK SA SEKYU

LAGUNA-AGAD binawian ng buhay ang isang trabahador ng South Luzon Expressway (SLEX) matapos barilin ng security guard ng industrial park na kanilang nakatalo habang nagpapahinga sa damuhan sa loob ng SLEX sakop ng Brgy Batino, Calamba City nitong Sabado ng hapon.

Dead on the spot ang biktima na si Ronald Viñas Santillan, 32-anyos, residente ng Muntinlupa City at welder ng isang sub-contractor sa road repair construction project sa SLEX.

Ayon sa Calamba City police, ang suspek ay residente ng Sto Tomas City, Batangas at OIC ng mga security guard ng Calamba Premiere International Park (CPIP) na nasa tapat ng construction site.

Base sa imbestigasyon, dakong ala-1 ng hapon, nagpapahinga ang biktima kasama ang ilan pang katrabaho malapit sa perimeter wall sa pagitan ng SLEX at industrial park nang magtalo ang mga worker at supek kasama ang isa pang security guard na pilit na pinaalis ang mga trabahador sa lugar.

Sa gitna ng pagtatalo umalis ang suspek at nagtungo sa kalapit na establisimiyento subalit mabilis din bumalik dala ang isang maiksing kalibre ng baril at pinaputukan ang dalawa.

Tinamaan ang biktima na siyang agarang ikinasawi nito kung saan, nakunan pa ng video ng isa sa mga trabahador ang pangyayari.

Tumakas ang suspek matapos ang insidente na ngayon pinaghahanap ng mga awtoridad.

Ayon kay Calamba police chief Lt. Col. Milany Martirez, kasong murder ang isasampa laban sa suspek.

Inaresto rin ng mga pulis ang isa pang security guard na nasa lugar ng pinangyarihan at nakatakda rin sampahan ng kaso dahil sa hinayaan nitong makatakas ang suspek.

Panawagan naman ng pamilya ng biktima ang hustisya para sa nasawing kaanak at agarang pagkadakip ng suspek. BONG RIVERA