SLOTS SA NATIONAL JUNIORS CYCLING TEAM SA ASIAN CHAMPIONSHIPS NAKATAYA SA BATANG PINOY

MAKAKAKUHA ng priority slots ang podium finishers sa 16-17 years old category ng road cycling competitions ng 2024 Batang Pinoy na magsisimula ngayong weekend sa Puerto Princesa City sa national junior team na sasabak sa 31st Asian Junior Road Cycling Championships sa Thailand sa Pebrero.

Inanunsiyo rin ni Philippine Olympic Committee (POC) chief Abraham “Bambol” Tolentino, head ng national federation for cycling PhilCycling, nitong Linggo na ang 2025 National Championships for Road ay nakatakda sa Pebrero 24-28 sa Tagaytay City at sa mga lalawigan sa Eighth District ng Cavite, pangunahin ang Ternate at Maragondon.

Ang Thailand ang magiging hosts sa Asian championships sa Pebrero 7-16 sa susunod na taon — na inorganisa ng Asian Cycling Confederation— na kinabibilangan din ng 44th championships for elite and under-23 at ng 13th staging ng para championships.

Target ng PhilCycling na magpadala ng full contingent sa Thailand championships tulad sa edisyon ngayong taon sa Kazakhstan noong nakaraang Hunyo.

Tig-isang slot sa national junior team for boys and girls sa individual time trial (ITT) at individual road race (IRR o massed start) sa Asian championships ang nakataya sa Batang Pinoy.

Ang ITT events ay nakatakda sa Nobyembre 26 at ang IRR ay sa Nobyembre 27 kung saan tampok sa parehong events ang start at finish lines sa loob ng Iwahig Penal Colony— kilala sa buong mundo bilang “Prison Without Walls.”

Ang mga magulang o guardians ng mga kalahok sa Batang Pinoy cycling ay pinapayuhang kumuha ng passports para sa kanilang mga atleta para sa maayos na pagproseso sa kanilang registration— matapos aprubahan ng Evaluation Committee na binuo ng PhilCycling— para sa Asian championships

Ang criterium ay wala sa Asian championships program. Para sa National Championships for Road, ang Criterium and ITT ay gaganapin pa rin sa paligid ng Tagaytay City Atrium at sa Lian-Tuy national highway sa Batangas, subalit ang mga kalsada sa Agoncillo, Laurel at Talisay patungo sa Sampaloc o Sungay climbs ay ise-shelve sa susunod na taon.

Ang Criterium races para sa 2025 road nationals ay idaraos sa Peb. 24, ITT sa Peb. 25 at road races dor Men Junior sa Peb. 26, Men Under-23 at Women Elite sa Peb. 27 at Men Elite sa Peb. 28. CLYDE MARIANO