SLP-BEST TANKERS RATSADA SA PSI

HUMAKOT pa ng tatlong gintong medalya ang mga pambato ng Swim League Philippines-BEST sa ikalawang araw ng aksiyon sa 2021 Philippine Swimming Inc. National Selection Bubble, Sabado sa world-class New Clark City Aquatic Center sa Capas, Tarlac.

Nasungkit ni John Niel Paderes, 2019 UAAP multi-medalist at Palarong Pambansa record holder, ang ikalawang gintong medalya sa torneo na nagsisilbing tryouts para sa pagpili ng miyembro ng Philippine Team nang pagbidahan ang men’s 200-meter backstroke sa tiyempong 2:14.94 laban kina Jose Arcilla (2:17.14) at kasangga sa BEST na si Johan Cabana (2:21.52).

Sa opening day ng paligsahan na inorganisa ng PSI at suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) nitong Biyernes, nakopo ng pambato ng University of Santo Tomas ang gintong medalya  sa men’s 100-meter backstroke sa bilis na 59.60 segundo kontra kina Bernard Abril ng Tarlac (1:04.17) at Cabana (1:04.12).

Iwinaksi naman ni National junior standout Micaela Jasmine Mojdeh ang naging kabiguan sa women’s 1500-meter dahil sa sirang timing divice nang daigin ang karibal sa women’s 400-meter  Individual Medley sa oras na 5:23.63.  Naungusan niya si Giana Garcia ng DASH (5:38.73).

Doble ang selebrasyon ni Mojdeh na nakamit ang unang gintong medalya sa torneo at lagpasan ang qualifying time sa naturang event na 5:30.17.

“Masayang-masaya po si Jaz. Talagang ipinakita niya ‘yung determinasyon niya kahit limitado ang training ng grupo dahil sa pandemya. Hopefully po maganda rin ang oras na makuha ng iba pang members,” pahayag ni Joan, ina ni Mojdeh at founder ng SLP-BEST.

Itinuturing na ‘Swim Beast’ sa junior level bunsod ng dominanteng kampanya, kabilang ang pagiging National junior at Palarong Pambansa record holder, nakopo ng 15-anyos at Grade 10 student ng Brent International School of Manila, ang kabuuang apat na medalya sa torneo, kabilang ang nasungkit na silver medal sa women’s 1500-meter freestyle (18:58.71) at 100-butterfly (1:03.90) at bronze medal sa 400-meter free style.

Ginulat naman ng 18-anyos na si Jordan Ken Lobos ang mga liyamadong karibal nang ibigay ang ikatlong ginto para sa SLP-BEST nang angkinin ang men’s 100-meter breastroke sa bilis na 1:04.66. Ginapi ng 2019 Palarong Pambansa multi-gold medal winner mula sa Calayan Educational Foundation School sa Lucena City ang mga paboritong sina Sam Alcos (1:05.84) at Rian Marco Tirol (1:05.96).

Sa iba pang resulta, nagwagi si national mainstay Miguel Barreto sa men’s 200-meter freestyle sa tiyempong 1:56.74 laban kina SEA Games campaigner Sacho Ilustre (1:59.10) at Marco Daos (1:59.29. EDWIN ROLLON

7 thoughts on “SLP-BEST TANKERS RATSADA SA PSI”

  1. 311824 509138Youre so cool! I dont suppose Ive read anything like this before. So nice to search out any individual with some original thoughts on this topic. realy thank you for starting this up. this site is 1 thing thats wanted on the web, somebody with a bit of originality. valuable job for bringing something new to the internet! 22369

Comments are closed.