HUMAKOT ang Swimming League Philippines-Team Philippines (SLP-PH) ng kabuuang 61 medalya, kabilang ang 16 na ginto para makopo ang ikatlong puwesto sa overall medal standings sa Asian Open Schools Invitational Aquatics Championships kamakailan sa Bangkok, Thailand.
Pinangunahan ng 5-anyos at tinaguriang bagong ‘swimming wonder’ ng bansa na si Pia Severina Magat ang ratsada ng 32-man Philippine squad sa napagwagiang pitong gintong medalya upang tanghaling ‘Most Outstanding Swimmer’ sa 7-under age female category sa torneo na nilahukan ng 980 swimmers mula sa 57 swimming clubs sa rehiyon.
Pinahanga ng pambato ng Sharkpeedo Swim club ni coach Bryan Estipono at Kindergarten pupil ng St. Joseph’s School sa Novaliches, Quezon City ang manonood sa kanyang impresibong panalo sa 50m freestyle (59.56 seconds), 50m backstroke (57.91), 50m butterfly (1:19.34), 50m breaststroke (1:29.45), 100m freestyle (2:12.45), 100m backstroke (2:09.12), at 100m breaststroke (3:15.23) events.
“Hindi na ako nasopresa sa kanya (Pia). Dedicated siya sa kanyang training at talagang ginagawa ang makakaya kahit sa mga sinalihan niyang division meet sa atin. Basta focused lang kami sa training, ‘yun lang muna ang target laging personal best,” wika ni Estipona, dating varsity sa University of Santo Tomas.
Bukod kay Magat, nasungkit din ni Galvin Cayanan ang MOS title sa boys’ 7 years old and under category sa napagwagiang 3 gold, 3 silver at 2 bronze medals, habang nanguna sa girls’ 12-13 yers class si Kyla Louise Bulaga sa kanyang panalo sa 200m at 400m individual medley, 400m freestyle events, habang silver sa 200m butterfly, 200m breaststroke at 4x50m medley relay, at bronze sa 50m at 100m butterfly, at 4x100m freestyle relay.
Nagpahayag ng kasiyahan si SLP president Fred Galang sa naging performance ng mga batang swimmer na aniya’y pawang nanguna sa kani-kanilang events sa isinagawang qualifying meet para sa torneo sa bawat torneo ng SLP.
Ang iba pang nakapag-uwi ng medalya ay sina Ryiah Zach Belen na may 2 gold (50m at 100m backstroke), 1 silver (200m backstroke) at 1 bronze (100m freestyle); Gerice Oyaman na may 1 silver (4x50m medley relay) at 2 bronze (50m freestyle at 4x100m freestyle relay); Ryzie Danielle Belen na may 1 silver (4x50m medley relay) at 2 bronze (400m freestyle at 4x100m freestyle relay); at Paul Vincent Ocampo, 2 bronze (4x50m medley relay at 4x100m freestyle relay).
Humirit din sina Riannah Coleman (1 gold, 2 silvers, 5 bronzes), Fritz Gabriele Espero (1 gold, 1 silver, 4 bronzes), Samantha Gabuni (1 gold, 2 bronzes), Sara Santiago (2 bronzes), Angel Magdalene Gabuni (2 bronzes), Gerald Cayanan (1 bronze), at Dwayne Angelo Gabuni (1 bronze).
EDWIN ROLLON