INIHAYAG ng lokal na pamahalaan ng Makati na ang isa sa kanilang vaccination site na matatagpuan sa SM Makati ay magkakaloob ng serbisyo ng hanggang Hulyo 30 na lamang.
Ito ay napag-alaman sa opisyal na Facebook site ng lokal na pamahalaan sa kabila ng muling pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 hindi lamang sa lungsod kundi sa buong bansa.
Bagaman ang operasyon ng SM Makati vaccination site ay hanggang sa katapusan ng buwan na lamang ay mananatili pa rin naman ang operasyon ng iba pang Bakuna Makati vaccination sites na handang magturok ng bakuna sa mga indibidwal na nais magpabakuna.
Matatandaan na nauna nang ipinasara ng lokal na pamahalaan nitong nakaraang Pebrero 28 ang vaccination sites sa mga eskwelahan na inilipat na lamang sa barangay health centers.
Kasabay nito, nanawagan na rin si Makati City Mayor Abby Binay sa mga residente ng lungsod na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nababakunahan na magpaturok na ng COVID-19 vaccine at booster shots na isang pamamaraan para mapigil ang pagkalat ng virus gayundin bilang karagdagang proteksyon ng bawat mamamayan.
Aniya, ang pagsasara ng vaccination sites sa mga eskwelahan ay napagdesisyunan dahil inihahanda ang mga ito para sa face-to-face classes sa ilalim new normal sa darating na Agosto.
Ang mga eskwelahan ay nararapat na ihanda sa darating na pasukan upang matugunan ang public health at safety protocols para sa seguridad ng mga estudyante at faculty members kapag nagsimula na ang face-to-face classes.
Gayundin, ang paglilipat ng vaccination sites sa barangay health centers ay makatutulong din sa mga indibidwal na hindi na kaya na bumiyahe sa mga Bakuna Makati sites tulad ng senior citizens at persons with disabilities (PWD). MARIVIC FERNANDEZ