TUMALIMA ang pamunuan ng SM – Supermalls sa hiling ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na huwag nang ituloy ang nakatakda sanang pagdaraos ng taunang Philippine International Pyromusical Competition (PIPC) sa harap ng lawa sa Mall of Asia (MOA).
Sa halip, inilipat ang tradisyunal na kumpetisyon sa SM City Clark Angeles, Pampanga na gaganapin sa Pebrero 23 hanggang Marso 30 bilang tugon sa kahilingan ng DENR na suportahan ang isinasagawang rehabilitasyon sa Manila Bay.
Ikinatuwa naman ito ni DENR Undersecretary Benny Antiporda na nagsabing tinupad lamang ni Henry Sy, Jr. ang ipinangako niya kay DENR Secretary Roy Cimatu kamakailan upang maiwasan ang dagdag na polusyon sa Manila Bay.
Ayon kay Antiporda, seryoso at puspusan ang ginagawa ng DENR para tuluyang linisin ang Manila Bay kung kaya anu-mang establisimiyento na nakaambang magdagdag sa polusyon ng naturang lawa ay kagyat nilang aaksiyunan.
“We can never listen to anything that will add even a small pollution on the bay,” saad pa ni Antiporda.
Ang pinakaaabangang 10th pyromusical competition na may temang “A Decade of Lights, Music and Magic” ay inaasahang magiging tagisan ng mga makukulay na fireworks na pangungunahan ng Filipinas.
Kabilang sa inaasahang lalahok ang mga bansang Finland, Portugal, Germany, Poland, United Kingdom, Italy, Belgium, China, France at Canada. BENEDICT ABAYGAR, JR.