Handog ay trabaho at negosyo sa bawat Filipino
(nina Roma Praxides at Edwin Cabrera)
LAYUNIN ng bawat Filipino ang matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga mahal sa buhay; lalong higit na rin na makaahon sa kahirapan. Ngunit marami sa atin ang hindi alam kung paano ito magagawa. Mabuti na lang at umusbong ang sektor ng Small Medium Enterprises (SMEs).
Mabibilang sa SME sector ang isang kompanya o negosyo kung ang bilang ng empleyado nito ay hindi hihigit sa isangdaan (100). Mahalaga ang papel na ginagampanan ng SMEs sa ating ekonomiya. Sa pag-usbong nito, nababawasan ang bilang ng mga unemployed dahil sa lumilikha ito ng oportunidad lalo’t higit sa mga hindi nakapagtapos. Nagbibigay daan din ang SMEs upang mapayabong ang kalakalan maging sa malalayo o liblib na lugar ng bansa. Sa katunayan, ayon sa datos na inilathala sa www.foi.gov.ph, mayroon ng 86,995 SMEs ang bansa. Kung pagsasamahin nga raw ang bilang ng mga SMEs at micro businesses, binubuo nito ang 99.6% ng mga establisimiyento sa Filipinas.
Sa patuloy rin na pagyakap ng mga Filipino sa teknolohiya, naging malaking kontribusyon din nito ang makabagong pamamaraan ng kalakalan. Dahil mas madali na ang komonekta sa iyong target market, mas dumami ang naengganyo at lumilikha ng bersiyon ng kanilang SMEs sa online world. Dito na nga nagsulputan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng online presence para sa kanilang mga negosyo.
At dahil sa likas na pagiging malikhain, ilan sa mga produktong kadalasang naiisipang panimula sa SME ay mga local na pagkain na may kakaiba at modernong twist mula sa orihinal. Higit na rin napatataas ang antas ng kalidad ng mga produktong pang-sining (arts and crafts), na handmade o mga personalized na gamit dahil iniaalok at nakikita na natin online kaya hindi na mahirap ang maghanap ng produktong kahit malayo pa ang panggagalingan dahil sa modernong teknolohiya. Mayroon ding SME na serbisyo ang inaalok tulad ng mga condo/house cleaners at pati mga laundry shops.
Hindi rin maitatanggi na maraming overseas Filipino workers (OFW) ang nakikipagsapalaran sa pagnenegosyo kaysa patuloy na manilbihan abroad. Dahil na rin sa hindi na nila kakailanganin pang lumayo sa pamilya upang matustusan ang pangangailangan kaya naman sila ang ilan sa mga sumasabak sa pagtatayo ng sariling negosyo.
Marami na rin ang mga sektor na nagdadaos ng iba’t ibang workshops at seminars na naglalayong matulungan ang ating mga kababayan at nagbibigay ng tips o guides para mas mapaunlad pa ang negosyo o kaya naman kung ano ang mga dapat gawin sa pagtatayo ng negosyo. Suportado din ng mga bangko ang SMEs sa pagbibigay ng mga flexible loans na swak sa budget ng negosyong itinataguyod.
Alinsunod nga sa mga datos na nabanggit, pinatutunayan nito na marami sa ating mga kababayan ang nagnanais lumikha ng sariling negosyo. Magandang balita ito sapagkat karamihan sa kanila ay lokal na produktong bayan ang itinataguyod. Senyales rin ito na mas marami ng Filipino ang nais gumawa ng sariling pangalan sa industriya. Wala namang masama sa pagiging empleyado, pero sa usapin ng pagnenegosyo – lalo na kung makakalikha ka ng trabaho para sa kapwa mo Filipino, tila perpektong konsepto ito ng tagumpay.
Kaisa ng bawat Pinoy at negosyante ang PILIPINO Mirror – Unang Tabloid sa Negosyo! sa pagsusulong ng pagtangkilik sa kalidad na gawang-lokal kasabay ng pagnanais na patuloy na itinataas ang antas ng malayang pamamahayag para makatulong sa pag-unlad ng bayan.
Comments are closed.