SMART/MVP NATIONAL NEW FACE OF THE YEAR SISIPA SA NAS

Philippine Taekwondo Association

SASABAK sa unang pagkakataon sa isang kompetitibong kompetisyon ang mga baguhang taekwondo jins sa gaganaping 2022 SMART/MVP Sports Foundation National New Face of the Year Taekwondo Championships sa Oktubre 22-23 sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.

Itinatampok ng Philippine Taekwondo Association (PTA), target ng kompetisyon na masukat ang kakayahan at talento ng mga batang taekwondo jins na produkto ng iba’t ibang sports clinics at summer camps sa dalawang araw na kompetisyon na suportado ng Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC) at MILO.

Tulad ng iba pang programa sa palakasan, layunin ng PTA na makilatis ang kasanayan, kumpiyansa at disiplina ng mga kabataan, habang itinataas ang antas ng kakayahan ng mga kabataan na mapagtagumpayan ang hangarin sa buhay.

Dahil ang torneo ay nakatuon sa mga bagong atleta, inaasahang ganap itong makapagbibigay ng tamang damdamin at impresyon sa isang aktwal na kompetisyon.

Ang kampeonato ay lalahukan ng lahat ng mga organisayon, eskwelahan at clubs na sangay ng PTA sa buong Metro Manila at mga kalapit na lalawigan, kabilang ang mga sangay ng serbisyo ng militar.

Humigit-kumulang 1,500 kalahok ang kumpirmadong lalahok sa ‘Kyorugi’ na nagtatampok aa Senior, Junior Cadet, Grade School at Toddler events para sa parehong male at female categories, habang ang ‘Poomsae’ ay indibidwal na event para sa colored at blackbelt.

Ang kumpetisyon ay isang paraan upang suportahan ang pangako at pagsusumikap ng PTA para sa pagpapaunlad ng sports, habang sa huli ay nakatutulong sa grass root program ng gobyerno.

Pinayuhan ang mga magulang at tagapag-alaga na i-enroll ang kanilang mga anak at yaong mahilig sa sports ay malugod na inaanyayahan na saksihan ang naturang kaganapan.

Magsisimula ang kumpetisyon sa alas-9 ng umaga.

EDWIN ROLLON