PINANINIWALAAN ng mga awtoridad na mas paboritong gamitin sa online scam ang SIM card ng Smart telecom kung pagbabasehan ang mga nakumpiskang digital items sa raid sa isang POGO hub sa Pasay City kamakailan.
Kinumpirma ni Presidential Anti-Organized Crime Commission head Usec. Gilbert Cruz na sa mahigit 20,000 pre-registered SIM cards ay umaabot sa 15,683 ang sa Smart telecom.
Ang natitirang bilang ay pinaghati-hatian umano ng parehong local at international internet service providers, kabilang ang Globe telecom.
Ang POGO hub raid sa Pasay ay kabilang sa serye ng pagkilos ng awtoridad laban sa mga online scam, partikular sa mga lugar na kumakanlong sa offshore gaming, o ang sugal na ang mga mananaya ay nasa labas ng bansa.
Pinaniniwalaan ng awtoridad na maraming ilegal at online crimes na nangyayari sa ilang POGO hub sa Kalakhang Maynila, ‘tulad ng kidnapping, money laundering at pamba-blackmail.
Ang mga nasabing cyber crimes ay ang internet ang pangunahing sangkap kaya masinsinang minamatyagan ng mga awtoridad ang galaw ng digital industry.
Ayon sa taga-PAOCC ay maaaring magtukoy ang mga nakumpiskang sim cards ng mga ilegal na gawain at pagkakakilanlan ng cyber criminals kaya maingat umano nilang binubusisi ang mga detalye sa loob ng Subscribers Identity Modules.
Sa kaugnay na balita ay uumpisahan na bukas (Lunes, Setyembre 5) sa bandang 10:30 ng umaga ang imbestigasyon ng Senado tungkol sa patuloy umanong pamamayagpag ng online scammers sa kabila ng ipinatupad na sim card registration.
Ang Senate inquiry ay gagawin ng committee on public services kasama ang committee on trade, commerce and entrepreneurship sa pangunguna ni Sen. Grace Poe.
Bubusisiin ng mga senador kung bakit sa kabila ng ipinatupad na sim card registration ay marami pa rin umanong nangyayaring text scams at nagagamit pa rin ang Subscriber Identity Module o SIM sa ilegal na POGO operations.
Pinatawag sa pagdinig ang opisyales ng National Telecomunications Commission, Department of Information and Communications Technology, law enforcers at telco executives.