SMB IMPORT KAKALISKISAN

Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
3 p.m. – Terrafirma vs Bay Area
5:45 p.m. – San Miguel vs Converge

SISIMULAN ng San Miguel Beer ang buhay sa bagong import na si Devon Scott sa pagsagupa ng Beermen sa Converge sa PBA Commissioner’s Cup ngayon sa PhilSports Arena sa Pasig.

Ang Beermen ay may 1-2 kartada at inaasahang pangungunahan ni Scott, sariwa mula sa stint sa Fuerza Regina Monterrey team sa Mexican league, ang koponan sa kanilang 5:45 p.m. clash sa FiberXers na bahagyang angat sa team standings sa 2-2.

Sasandal ang San Miguel kay Scott, pumalit kay Diamond Stone, at umaasa ang Beermen na malulusutan ang susunod na apat na linggo na wala si June Mar Fajardo makaraang operahan sa laryngeal fracture.

“Mawawala siya (Fajardo) for four weeks, he will miss five games, we don’t know (exactly). But come playoffs, I think he’ll be available. So the challenge for us is to get to the playoffs,” sabi ni San Miguel coach Leo Austria.

Hirap ang Beermen sa pagkawala ni Fajardo, kung saan nalasap nito ang 113-87 pagkatalo sa Bay Area Dragons.

“Talagang na-feel namin. Iba ang impact ng pagkawala niya (Fajardo),” ani Austria. “All our plays involve him. If he’s not posting up, we use him as a screener, as a roller and once he gets the ball, our opponents double him and that’s an opportunity for our shooters to have an open shot.”

Umaasa si Austria na mapupunan nila ang ilang butas sa pagpasok ni Scott na masusubukan bilang rim protector, banger at power player.

Nagpalit ng import ang San Miguel dahil si Stone ay isang perimeter player, at nakikita si Scott na maaaring maging dominant presence sa pagkawala ni Fajardo.

Isang all-around import, si Quincy Miller ang unang susubok kay Scott.

Bilang league leader sa scoring, pinangunahan ni Miller (35.8 points per game) ang FiberXers sa 2-2 simula, sa panalo kontra Terrafirma at Meralco at natalo sa Magnolia at Bay Area.

Sa unang laro ay magsasalpukan ang Bay Area, may 5-1 marka, at Terrafirma na wala pa ring panalo sa limang laro.

CLYDE MARIANO