PINAGTULUNGANG depensahan nina Tyler Bey at Calvin Abueva ng Magnolia si San Miguel import Bennie Boatwright sa Game 4 ng PBA Commissioner’s Cup Finals noong Biyernes sa Araneta Coliseum. PBA PHOTO
Laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
6:15 p.m. – San Miguel vs Magnolia
(Game 5, serye tabla sa 2-2)
BABASAGIN ng San Miguel Beer at Magnolia ang pagtatabla sa Game 5 ng PBA Commissioner’s Cup Finals ngayong Linggo sa Araneta Coliseum.
Nakatakda ang salpukan para sa krusyal na 3-2 series lead sa alas-6:15 ng gabi.
Ang Hotshots at Beermen ay balik sa simula subalit nasa Magnolia ang momentum at ang psychological edge kasunod ng kanilang panalo sa Games 3 at 4 na bumura sa commanding 2-0 lead ng SMB.
Ang serye ay isa na ngayong best-of-three, at inaasahan ang umaatikabong bakbakan sa pagitan ng Hotshots at Beermen para sa inaasam na panalo na maglalapit sa kanila sa kampeonato.
Inaasahang muling sasandal ang Hotshots sa kanilang gung-ho style of game, itotodo ang depensa at sasamantalahin ang breaks sa bawat pagkakataon.
Para sa Beermen, maaaring kailanganin nila ng adjustment lalo na kapag patuloy na binulabog si June Mar Fajardo ng calf issues.
Sa huling dalawang laro ay nalimitahan ng Hotshots ang Beermen sa 80 at 85 points. Sa unang dalawang laro, pinulbos ng San Miguel ang Magnolia, 103-95 at 109-85.
“Everybody embraced our defensive mindset, especially Tyler (Bey),” sabi ni Magnolia coach Chito Victolero.
“Everything boils down to our defense. We limited them to under 90 points and that’s our goal. As long as the series becomes a defensive battle, we have a chance to win games.”
Nariyan din ang kanilang no-surrender attitude, kung saan nakakintal sa kanilang isipan ang alaala ng tatlong epic wins mula sa 0-2 deficit sa best-of-seven series.
Nasa kalagitnaan sila ng pagkamit sa parehong tagumpay, at determinado silang maisakatuparan ang kanilang misyon.
Pinangunahan nina Bey, Paul Lee, Mark Barroca, Ian Sangalang, Calvin Abueva, Jio Jalalon at Aris Dionisio ang 96-85 win sa Game 4 para sundan ang 88-80 panalo sa Game 3.
Subalit umaasa ang Beermen na makabawi at muling kunin ang bentahe.
Hangad naman ni Victolero at ng kanyang tropa na makuha ang kontrol sa Last Dance na ito.
CLYDE MARIANO