SMB, TNT BIYAHENG JAPAN PARA SA EASL CHAMPIONS WEEK

LILIPAD ngayon ang reigning PBA Philippine Cup champion San Miguel at TNT sa Japan upang katawanin ang bansa sa East Asia Super League (EASL) Champions Week.

Pinangungunahan ni six-time MVP June Mar Fajardo, ang Beermen ay aalis ng Manila patungong Japanese prefecture of Okinawa, habang si veteran guard Jayson Castro at ang Tropang Giga ay tutulak sa lungsod ng Utsunomiya para sa kani-kanilang kampanya sa March 1-5 tournament na tinatampukan ng champion teams mula sa top basketball leagues sa Asia.

Sisimulan ng Tropang Giga ni coach Jojo Lastimosa ang kampanya ng bansa sa regional meet sa opening day kontra host team Utsunomiya Brex.

Palalakasin nina Daniel Ochefu at Jalen Hudson, pumalit kay Governors’ Cup regular import Rondae Hollis-Jefferson, ang koponan. Nabigo si Hollis-Jefferson na makakuha ng Japan visa para sa torneo.

Ang TNT ay nasa Group B kasama ang Utsunomiya, Seoul SK Knights, at ang PBA Commissioner’s Cup guest team at runner up Bay Area Dragons.

Noong Huwebes, ang Beermen ay sumalang sa kanilang debut laban sa Ryukyu Golden Kings side na tinatampukan nina three-time PBA Best Import Allen Durham at young Gilas Pilipinas stalwart Carl Tamayo.

Sina Cameron Clark at Jessie Govan ang nagsilbing imports para sa San Miguel, na ginabayan ni Jorge Gallent.

Samantala, ang San Miguel ay nasa Group A kasama ang Ryukyu, Taipei Fubon Braves, at Anyang KGC.

Magbabalik sa aksiyon ang Tropang Giga sa Biyernes laban sa Knights, habang makakaharap ng Beermen si dating NCAA Rookie-MVP at Gilas member Renz Abando at ang Anyang sa susunod na araw.

Ang top two teams sa Group A at B ang maghaharap para sa kampeonato na may $250,000 premyo, habang ang no.2 teams sa bawat grupo ay magtutuos para sa third place.

Ang runner-up ay tatanggap ng $100,000 at third place ng $50,000.

Lalaruin ang championship round sa Okinawa.

Nakuha ng San Miguel at TNT ang karapatang katawanin ang Pilipinas sa torneo makaraang umusad sa finals ng huling Philippine Cup.