SMC PUMALAG SA PANUKALANG PENALTY DULOT NG TRAPIK SA SLEX

Magkape Muna Tayo Ulit

ILANG  linggo na nasa balita ang mabigat na indultong  nararanasan ng mga motorista at commuters na bumabaybay papuntang ti­mog sa SLEX dulot ng  konstruksiyon sa may Alabang exit para sa extension ng Skyway.

Nagkaroon ng panukala mula sa Kongreso at ang ibang pribadong sektor na bawasan o suspendihin ang koleksiyon ng toll ng Skyway dahil sa perwisyong idinudulot ng nasabing proyekto. Para sa kaalaman ng lahat, ang Skyway ay ginawa at pinatatakbo ng SMC Tollway na isang subsidiary ng San Miguel Corporation (SMC).

Pumalag si Ramon Ang, presidente ng SMC, sa nasabing plano at sinabing pagsapit ng buwan ng Disyembre ay luluwag o halos babalik na sa normal ang daloy ng trapiko sa nasabing lugar. Subali’t tila itutulak pa rin ng isang mi­yembro na si Raymundo Junia ng Toll Regulatory Board (TRB) na representante ng pribadong sektor, na tuluyan na patawan ng penalty at pagbawas ng toll rate.

Mahirap talaga mag-balanse ng kapakanan ng publiko at pribadong sektor. Dito nga nahihirapan ang mga ahensiya ng gobyerno na ang pa­ngunahing trabaho ay i-regulate ang mga singil sa ating mga konsyumer ng mga dambuhalang negosyante na kailangan din kumita sa malaking pinuhunan na kanilang inilabas.

Tulad na lang sa kaso ng SMC Tollways, ang halaga ng nasabing Skyway extension project ay aabot ng P10 bilyon. Ginagawa nila ito upang mapalawak ang serbisyo at ginhawa sa mga moto­rista na manggagaling sa katimugan. Ito ay dulot ng lumalaking populasyon ng ating bansa. Marami ng mga tao ang nani­nirahan na sa mga karatig lalawigan ng Metro Manila nguni’t sa Kalakhang Maynila pa rin ang kanilang trabaho at ginagalawan. Kaya naman patuloy ang dagsa ng mga sasakyan sa mga SLEX, NLEX, CAVITEX at iba pang mga kalsada na nag-uugnay sa mga lalawigan ng Laguna, Bulacan, Ca­vite at Rizal.

Walang kuwestiyon na kailangang ayusin at dagdagan ang mga proyektong impraestruktura upang makasabay sa ating lumalaking populasyon. Hindi naiba ito sa mga ibang bansa. Ang problema lang sa atin ay nahuhuli tayo sa pag-develop ng mga elevated highways, subways, light rails, mga tulay, at marami pang iba. Ang mga ibang bansa ay isinabay ang mga ganitong proyekto sa inaasahang paglaki ng kanilang populasyon. Natulog ang Filipinas sa pansitan. Ngayon pa lamang tayo humahabol sa mga mahahalagang proyektong pang-impraestruktura kung saan matindi at masikip na ang daloy ng trapik sa atin.

Kaya naman kaila­ngan ay unawain din natin ang sitwasyon ng mga namumuhunan na negosyante. Maglalabas sila ng bilyon-bilyong piso upang matustusan at masolusyunan ang mga problema natin sa trapiko. Huwag naman natin sila pahirapan.

Sa katunayan, napilitan tuloy si Ramon Ang na magsumbat na may utang pa nga ang gobyerno sa kanila ng P7.6 bilyon dulot ng unadjusted toll rates. Hindi raw kasi nagtaas ng toll rate mula pa noong 2011. Ito ay ayon sa kontratang nilagdaan nila sa gobyerno, may 30% na pagtaas ng toll fee noong 2012. Subali’t dahil sa mga protesta at angal ng mga militanteng grupo at ang publiko, ipinagpaliban ito.

Marami pang ganitong sitwasyon kung saan ang mga malalaking pribadong sektor ay namumuhan para magbigay serbisyo sa publiko. Pinapalabas na gahaman sila sa kita at kawawa umano ang publiko. Gustong  palabasin ng mga militanteng grupo na karapatan natin ang maayos at magandang serbisyo mula sa pribadong sektor na nagpapalakad ng ganitong uri ng serbisyo. Tama ‘yun, subali’t dapat din daw ay sobrang baba ang singil nila na halos ay wala nang kita ang mga namuhunan. Ang mga ito ay sa larangang ng koryente, tubig, pampublikong tranportasyon at marami pang iba.

Comments are closed.