SMOKE-FREE ALTERNATIVES

(ni VICKY CERVALES)

KAHIT gaano kalaki ang buwis na ipinapataw ng pamahalaan sa sigarilyo, sadyang mahirap iwasan ang paninigarilyo. Bukod pa ito sa panawagan ng Department of Health (DOH) sa panganib na idinudulot ng paninigarilyo sa katawan ng tao.

Subalit, maaari namang gumawa ng “win-win” solution ang gobyerno at ang mga kompanya ng sigaril­yo upang maibsan ang masamang epektong dulot ng nasabing bisyo.

Katulad na lamang ng sinabi ni Senate Committee on Ways and Means chairman Pia Cayetano sa ginanap na pagdinig ng Package 2+ of the Comprehensive Tax Reform Program (CTRP) na kailangan ding ibalanse ang kalusugan at ang kikitain ng pamahalaan sa ipatutupad na ka­ragdagang buwis kung saan ang taumbayan ang makikinabang.

Gayunpaman, binigyang diin ni Cayetano na ang paninigarilyo kahit pa gumamit ng alternatibong paraan gaya ng e-cigarette ay hindi pa rin ligtas sa kalusugan. Nilinaw rin nito na ang salitang “safe” ay magkaiba sa sinasabing “less harmful.”

Sa panig naman ng kompanya ng sigarilyo, puwede namang bumuo ang pamahalaan ng isang tax policy sa mga Filipino na hindi kayang umiwas sa paninigarilyo gaya na lang ng tinatawag na “smoke-free alternatives” na kung saan wala nang malalanghap na usok ang mga taong hindi naninigarilyo.

Sa paglipat sa smoke-free alternatives gaya ng e-cigarretes at heated tobacco products, mababawasan ang masamang epekto ng paninigarilyo sa kalusugan. Sinabi ni Patrick Muttart, external affairs and communications director ng Philip Morris Fortune Tobacco Corporation (PMFTC), Inc. na 95 percent less harmful ang e-cigarettes kumpara sa mismong sigarilyo.

Sa Filipinas, mayroon nang mahigit na 225,000 users ng smoke-free products. Sa ginawa rin nilang pag-aaral ay lumalabas na halos 60 percent ng Filipino smokers ay open sa pag­lipat sa smoke-free alternatives.

Pagdating naman sa tax policy, sinabi ni Patrick Muttart na dapat ay kapareho rin ng prinsipyong nakapaloob sa sin taxes at iba pang katulad na inisyatibong ipinatutupad.

Partikular na tinukoy ni Muttart, ang policy decision sa TRAIN Law na nag-e-exempt sa electric vehicles mula sa excise tax sa sasakyan, ang hybrid vehicles ay binigyan ng 50% lower tax rate.

“This tax break was an acknowledgement that electric and hybrid vehicles, which eliminate or reduce combustion, can play a positive role in improving the health and wellbeing of Filipinos,” pahayag ni Muttart sa pagdinig sa senado.

Iginiit pa nito na ang smoke-free products gaya ng e-cigarettes, “will secure a future for the local PH tobacco industry.”

Agad naman itong sinegunduhan ni Senadora Imee Marcos, aniya, “unfair” na bubuwisan na naman ang tobacco product.

Binigyang diin ni Marcos na ang panukalang dagdag-buwis ay mistulang hindi pantay at patas lalo na’t kung ang tinutukoy ay upang maipatupad na ang Universal Health Care (UHC).

Batid naman, ayon sa senadora, nasa pamamahala ang UHC ng PhilHealth na ngayon ay nasasadlak sa ano­malya at kontrobersiya.

Sa nasabing pagdinig, nais isulong ng Department of Finance (DOF) at Department of Health (DOH) ang ka­ragdagang excise tax sa vape products ng P45 sa taong 2020 kahit na gaano pa ito karami at tataasan pa ito ng P5 kada taon hanggang sa 2024. Ang natu­rang rate ay ka­tulad din ng kasaluku­yang tax scheme ng regular cigarettes.

Gayundin sa mga tinatawag na heated tobacco products, mula sa P10 ay magiging P45 per pack sa 2020 at karagdagang P5 per pack kada taon hanggang 2024.

Ang tinutukoy na dahilan ng dagdag buwis sa mga nasabing produkto ay para pondohan ang UHC na kung saan ang kikitain nito sa 2020 ay P3.2 bilyon at sa taong 2024, ang revenue ay aabot sa P19.5 bilyon.

Sa panig naman nina Joey Dulay, president of the Philippine E-Cigarette Industry Association at Vishal Daswani, vape shop owner, matindi umano ang epekto ng panukalang dagdag-buwis gayong ang smoke-free products ay mas mainam na alternatibo kaysa direktang paghithit nito.

Tinukoy naman ni Philip Morris chemist Yin Boll, ang pahayag ng Public Health England na ang nicotine ay: “does not cause serious adverse health effects” at “not carcinogenic.”  Idinagdag din nitong mas ligtas ang e-cigarettes kaysa sa regular combustible tobacco.

“Philippine tobacco leaf is already being used in some smoke-free products, and we believe there’s significant potential for the country to become a leading supplier of leaf for smoke-free products,” pagtatapos ni  Muttart.

Comments are closed.