SMUGGLED CHICKEN MULA CHINA NASABAT SA MAYNILA

MATAPOS na masabat ang kahon-kahon na smuggled chicken breast, ipinag-utos ni Manila Mayor Honey Lacuna sa binuong grupo mula sa City Hall ang pag-iikot sa mga palengke upang tiyakin na maayos at walang daya ang mga timbangan na ginagamit dito.

Layon nito na pangalagaan ang mga mamimili mula sa posibilidad na maloko ng mga vendor gamit ang may dayang timbangan.

Ito ay makaraang ianunsiyo ni Lacuna ang pagkumpiska ng may P250,000 halaga ng smuggled chicken breasts mula sa China.

Personal nitong ininspeksyon ang mga nasabat na pitso ng manok sa isang bodega sa Tondo ng Veterinary Inspection Board (VIB).

Dahil dito, agad na iniutos ng alkalde ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga tao na nasa likod ng nasabing iregularidad gayundin ang wastong pagsira sa mga nasabat na pitso ng manok.

Sinabi ng alkalde, gagawin ng city government ang lahat sa abot ng kapangyarihan nito na tiyakin na hindi maloko ang mga mamimili at masayang ang kanilang pinaghirapang salapi.

“Sa mga manininda ng karne, baboy, isda at gulay, may continued inspection para tiyakin na tama ang presyo at ang timbangan ay walang pandaraya,”anito.

Kaugnay nito, iniutos din ni Lacuna ang regular na inspection ng mga public market upang tiyakin na ang lahat ng nagtatrabaho rito ay mayroong kaukulang health certificates.

Ito ay upang matiyak na sariwa at malinis ang mga itinitindang hilaw na pagkain tulad ng karne, isda at gulay ng mga vendor at ligtas, malinis at maayos din ang kanilang paghawak sa mga ito. VERLIN RUIZ