TINATAYANG aabot sa multi-million peso ang halaga ng puslit na sigarilyo ang nakumpiska ng mga tauhan ng Philippine Navy Naval Forces Western Mindanao kahapon ng madaling araw sa karagatang sakop ng Bagong Calarian, Zamboanga City.
Ayon sa ulat ni Navy Public Affair Office Chief Capt. Jonathan Zata, ito ay makaraang masabat ng kanilang mga tauhan ang isang Jungkung-type watercraft na may kargang tobacco products na may markang “Bravo” sa kapaligiran ng Bagong Calarian bandang alas-3:00 ng madaling araw.
Umaabot sa may 600 boxes ng smuggled cigarettes lulan ng isang unidentified watercraft ang nasabat habang naglalayag papuntang Zamboanga City.
Dinala ang nasabing kontrabando sa Ensign Majini Pier, Naval Station Romulo Espaldon, Bagong Calarian, Zamboanga City at saka inilipat sa pag-iingat ng Bureau of Customs para sa kaukulang aksiyon.
Ang pagkakasamsam sa illegally transport smuggled imported cigarettes ay resulta ng pinaigting na maritime patrol operation ng Philippine Navy sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang Law Enforcement Agency.
“With this, the Philippine Navy through the Naval Forces Western Mindanao will remain vigilant in the conduct of its mandated task to deter any unlawful activities in its area of operation,” pahayag naman ni Navy Flag Officer in Command Voce Adm Robert Emperad. VERLIN RUIZ
Comments are closed.