IPAGAGAMIT ni Pangulong Rodrigo Duterte sa militar at pulisya ang ilan sa mga smuggled Hummer at vans na hindi isinama sa pagwasak sa may 68 mamahaling sasakyan at high-end motorcycles sa Port Irene sa Sta. Ana, Cagayan noong Lunes.
Ito ang ibinunyag ni Pangulong Duterte sa kanyang mensahe sa pinagsanib na pagdiriwang ng ika-68 anibersaryo ng National Security Council (NSC) at ika-69 anibersaryo ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA). Sinabi nitong hindi niya ipinasama kay Cagayan Economic Zone Authority (Ceza) administrator Raul Lambino ang may 14 na Hummer sa dinurog na mga nakumpiskang smuggled luxury vehicles.
“Nu’ng sinabi ni Atty. Lambino, ‘May Hummer tayo diyan.’ How many? I’m sure I heard more than 10. I could not exactly remember what was the figure. But I said do not destroy it because I’ll give it to the military and the police for their use,” sabi ng Pangulo.
Samantala, ang mga nakumpiskang vans ay ipamamahagi ng Pangulo sa mga local government ng Cagayan upang magamit sa kanilang mga pangangailangan.
“Tapos ‘yung mga van, because they are within the vicinity of the local governments, Cagayan ‘yan, di paghati-hatian na lang nila doon kung aabot,” dagdag pa ng Pangulo.
“But sabi ko doon kay Lambino, ‘You write me a letter.’ And he said ‘That’s already in your office.’ So ibigay ko ‘yan, Hummer,” dagdag ng Pangulo.
Tinatayang nasa P278 milyon ang halaga ng luxury vehicles na winasak sa harap mismo ni Pangulong Duterte kamakalawa sa Port Irene sa Sta. Ana, Cagayan. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.