SMUGGLED INDIAN BUFFALO MEAT NASABAT

NAGSAGAWA ang Department of Agriculture Office of the Assistant Secretary for Inspectorate and Enforcement (DA-IE), kasama ang National Meat inspection Service (NMIS) at ang Philippine Coast Guard (PCG), ng joint anti-smuggling operation at food safety inspection sa Dasmariñas City, Cavite nitong Setyembre 27.

Sa naturang operasyon ay nakakumpiska ang grupo ng dalawang unregistered cold storages at limang refrigerated vans sa Kadiwa wet market, na iniulat na nag-iimbak at nagbebenta ng Indian Buffalo Meat (IBM) sa iba’t ibang lugar sa Dasmariñas City.

Sa isinagawang inspeksiyon ay nakakumpiska ang mga awtoridad ng 1,714.1 kilos ng IBM na tinatayang nagkakahalaga ng P445,666.00. Ang mga nasabat na produkto ay dadalhin sa NMIS Region IV-A facility para sa kagyat na condemnation.

Kaugnay nito ay hinikayat ni Assistant Secretary for DA-IE James A. Layug ang publiko na patuloy na i-report ang mga kaduda-dudang aktibidad at makipag-ugnayan sa ahensiya.

Ang inisyatibo ay bahagi ng kampanya ng pamahalaan para masugpo ang agricultural smuggling.