SMUGGLED NA KARNENG BABOY MAHIGPIT NA BANTAYAN

Senadora Imee Marcos

PINAKIKILOS ni Senadora Imee Marcos ang mga kaukulang ahensya ng pamahalaan para tiyaking ligtas at may sapat na suplay ng  karneng baboy sa pamilihan.

Inihayag ito ng Senadora matapos kumpirmahin ni Agriculture Secretary William Dar na positibo sa African Swine Fever (ASF) ang  14 sa 20 blood samples ng mga baboy na ga­ling sa Rodriguez Rizal, Guiguinto, Bulacan at Antipolo City.

Dahil dito, hinikayat ni Marcos ang Philippine Port Authority  at Bureau of Customs na higpitan ang pagmo-monitor at pagbabantay sa lahat ng port of entry ng bansa para hindi makalusot ang smuggled meat products na posibleng kontaminado ng ASF.

Inalerto rin ng senadora ang DA at Department of Trade and Industry na tiyakin ang suplay at ‘di magtataas ng presyo ng mga karneng baboy sa merkado kasunod ng ASF scare.

Pinababantayan din ni Marcos sa Philippine National Police, Bureau of Quarantine at NMIS ang mga karneng baboy na hinahango sa backyard  piggery para ‘di makalusot ang mga baboy na posibleng kontaminado ng ASF.

“Mahalaga na matiyak na hindi kontaminado ng ASF ang meat products na ihahanda sa pasko ng mga Pinoy. Dapat maging maingat ang awtoridad sa pagbabantay sa mga alagang baboy at imported pork products bagamat walang direktang epekto sa kalusugan ng tao ang pagkain ng karneng baboy na may ASF virus,” diin ni Marcos.

Gayunpaman, tiniyak ni Health Secretary Francisco Duque na hindi nagdudulot ng masamang epekto sa kalusu­gan ng tao ang African Swine Fever (ASF) basta niluluto itong mabuti at hindi half-cooked ang karne.

“We want to allay the fears of the public by saying that, as long as pork is bought from reliable sources and it is cooked thoroughly, pork is safe to eat,” paliwanag ni Duque.

Sa pahayag ni Dar na may 7,416 baboy ang pinatay mula sa Antipolo, Rodriguez, Rizal at Guiguinto, Bulacan nitong nakalipas na buwan dahil sa nasabing sakit.

Nabatid na ipinadala pa sa United Kingdom ang blood samples para suriin ng mga dalubhasa at napatunayan na apektado ang mga baboy ng ASF virus. VICKY CERVALES

Comments are closed.