SMUGGLERS, KARTEL AT MGA KASABWAT SA D.A, HUHUBARAN NG MASKARA – IMEE

AGAD na binigyang solusyon ni Senador Imee Marcos ang problema sa sibuyas na ibinebenta sa Metro Manila mula sa P650 hanggang P800 per kilo.

Bago ang New Year, nagpahango si Marcos sa ilang farmers cooperative sa Ilocos region at Nueva Ecija ng mga tanim na sibuyas para maibenta sa abot kayang halaga sa Kadiwa on Wheels at pop-up stores sa kalakhang Maynila.

Noong Disyembre 31, 2022, inilunsad ni Marcos ang #ImeeSibuyas sa Poblacion, Makati City; Brgy. 177, Gagalangin, Tondo, Manila at Quezon City Circle na nagbebenta ng sibuyas sa halagang P170 kada kilo.

Katwiran ni Marcos na walang saysay ang plano ng Department of Agriculture na itaas ang suggested retail price (SRP) ng sibuyas para makontrol ang presyo nito sa pamilihan ngayon bagong taon.

Ayon sa senador, chairman ng Senate Committee on Cooperatives, dapat ilabas ng DA ang nakatenggang pondo para mapabilis ang pag-aani at direktang pagbili ng lokal na sibuyas at paghahatid nito sa Metro Manila.

“Pagalawin na ang Php140-million fund mula sa 2021 budget, na ni-realign o inilipat para sa Food Mobilization Program ng DA ngayong taon,” giit ng senador.

“Hindi po ako kuntento dyan, kahit sinasabing P250 per kilo ang limitasyon kasi hindi naman kailanman umabot ng P170 per kilo ang presyo ng sibuyas. Kaya sa mga susunod na linggo pilitin natin na mabuwag na ang mga sindikato, kartel, smugglers, at sino pa mang kasabwat at ibalik ang presyo ng sibuyas sa mababang halaga.”

Direktang binili ng senadora ang 300,000 kilo ng sibuyas mula sa ilang farmers coop gaya ng Bonena multi-purposee cooperative sa Nueva Ecija na kanyang inisponsoran sa pamamagitan ng programang Kadiwa ng DA.

Magpapatuloy ang anihan ng sibuyas hanggang Pebrero sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Batanes, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Tarlac at Oriental Mindoro.

“Kailangang plantsahin na ang diskarte sa pagbili at paghahatid ng mga sibuyas. Kinakailangang mailatag na din ang mas episyenteng sistema ng pagmo-monitor sa mga ani, dahil kung hindi, palagi na lang tayong biktima ng mga hoarders at mga smuggler na kasabwat ng mga tiwaling opisyal ng DA,” ayon pa kay Marcos.