NAGBABALA si Senador Win Gatchalian laban sa talamak na smuggling at ilegal na kalakalan ng mga excisable na produkto, kabilang ang sigarilyo at vape.
Anang senador, ang mga ganitong gawain ay nagpapababa ng kita sa buwis, nagdudulot ng mga panganib sa kalusugan, at nagdadala ng mga problema sa kapayapaan at kaayusan.
“Ang aking pangamba ay ang trend sa paninigarilyo. Dati, may win-win situation tayo kung saan bumababa ang bilang ng naninigarilyo habang tumataas ang koleksiyon ng buwis. Ngunit ngayon, baligtad na ang trend – tumataas na ang bilang ng naninigarilyo habang bumababa ang koleksiyon ng buwis,” ani Gatchalian.
Batay sa datos ng Bureau of Internal Revenue (BIR), tuloy-tuloy ang pagbaba ng koleksiyon ng excise tax, na umabot lamang sa P130.9 bilyon mula Enero hanggang Nobyembre noong nakaraang taon. Ito ay mas mababa kumpara sa P134.9 bilyon noong 2023, P160.3 bilyon noong 2022, at P176.5 bilyon noong 2021.
Idinagdag din ni Gatchalian na kahit bumaba ang kabuuang cigarette market mula 103.3 bilyong sticks noong 2014 patungong 55.6 bilyong sticks noong 2023, tumaas naman ang market share ng ilegal na kalakalan mula 12.2% noong 2014 patungong 19.8% noong 2023.
“Ayaw nating mangyari na mas malaki pa ang halaga ng ilegal na kalakalan kaysa sa lehitimong negosyo,” aniya, habang binanggit na mas pinipili ng mga naninigarilyo ngayon ang mga smuggled na produkto dahil mas mura ang mga ito.
“Sa aking pananaw, hindi sapat ang enforcement lamang. Kailangang suriin din natin ang iba pang ugat ng iligal na kalakalan sa ating bansa. Hindi natin pwedeng balewalain ang teorya ng insentibo, lalo na sa laki ng diperensya sa presyo ng iligal na sigarilyo kumpara sa mga lehitimong produkto,” dagdag pa ng senador.
“Dapat nating kilalanin ang pinsalang dulot nito – hindi lang sa nawawalang kita sa buwis kundi pati na rin sa mga panganib sa kalusugan, dahil ang mga ganitong gawain ay ginagawa nang patago,” ani Gatchalian.
“Kailangan ng isang whole-of-government approach,” aniya, habang nanawagan sa mga kagawaran ng pananalapi, kalakalan, at kalusugan na bumuo ng isang istratehiya upang tugunan ang isyung ito. Hinimok din niya ang mga law enforcement agencies, kabilang ang Philippine National Police at Bureau of Investigation, na imbestigahan ang mga nasa likod ng smuggling at iligal na kalakalan ng mga excisable na produkto.
Tinukoy rin ng senador ang mga ulat na ang cigarette smuggling ay nagpopondo sa mga grupong terorista at rebeldeng grupo sa Mindanao.
“Isa pang epekto nito ay ang ulat na ang kita mula sa iligal na kalakalan ay ginagamit bilang pondo ng terorismo, na ginagawa itong hindi lang isyung pang-ekonomiya kundi banta rin sa kapayapaan at kaayusan,” aniya. VICKY CERVALES