NAGING matagumpay ang pagbabalik-aksiyon ng PBA Season 45 Philippine Cup sa isang bubble setup sa Clark, Pampanga.
Nakahinga nang maluwag si Commissioner Willie Marcial nang simulan ang opening game sa pagitan ng TNT Tropang Giga at ng Alaska sa Angeles Foundation University gym noong Linggo, Oktubre 11.
“Sabi ko nga, maka-jumpball lang, gaganda na pakiramdam ko,” pahayag ni Marcial sa online session ng weekly Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kahapon.
Sinabi ni Marcial na tumayo ang kanyang mga balahibo nang makitang balik-aksiyon na ang PBA, 217 araw magmula nang matigil ang liga noong nakaraang Marso dahil sa COVID-19 pandemic.
“But I never lost faith we will be able to return,” wika ni Marcial.
Ayon kay Marcial, mahigpit nilang sinusunod ang lahat ng safety at health protocols na inilatag ng PBA at inaprubahan ng IATF at ng De-partment of Health (DOH) mula sa Quest Hotel hanggang sa kalapit na playing venue.
Ang PBA delegation na binubuo ng halos 400 katao ay nasa loob ng bubble, at sa kabutihang palad ay walang nagpositibo sa kanila sa virus. Ang hotel staff at venue staff ay sumusunod din sa kaparehong protocols.
“Even the bus drivers are now confined inside the bubble,” sabi ni Marcial, at idinagdag na ang lahat ng nasa loob ng bubble ay kina-kailangang sumailalim sa swab testing isang beses kada 14 araw.
“Kung ano ‘yung nasa plano, so far, nasusunod,” dagdag ng PBA commissioner.
Gayunman ay bukas, aniya, ang liga sa mga pagbabago kung kinakailangan habang tumatakbo ang torneo na may daily schedule para sa elimination round patungong quarterfinals, semifinals at finals.
“Makikita natin kung ano ang mali, ano ang kulang and ano ang dapat. Pero sana ito na ‘yung huling bubble natin,” sabi pa niya.
Idinagdag pa ni Marcial na sa kasalukuyan ay walang malaking problema maliban sa hinihinging serbisyo ng mga player para sa barbero.
“We have received requests for that and we’re considering that as well as additional disinfection in the gym and other things to do for the players like video games or some aqua sports,” ani Marcial.
“Some have gone to play golf or swimming. But so far, there are no major concerns.” CLYDE MARIANO
Comments are closed.