SOBRA ANG SASAKYAN SA LANSANGAN KAYA MATRAPIK

Magkape Muna Tayo Ulit

MATAGAL ko nang sinasabi ito. Kahit na ano pang sigasig ng ating pamahalaan upang ipatupad ang mga batas trapiko at disiplinahin ang mga motorsita at mga mananakay ng pampublikong sasakyan, ang sobrang dami ng sasakyan sa lansangan ang pinakasanhi ng matinding trapiko sa ating bansa.

Inihahambing ko ito sa pagbuhos ng ulan. Kahit na anong linis at pag-ayos ng ating mga drainage sa lungsod, kapag nagbuhos ang ating inang kalikasan ng sobra sa normal na ulan, tiyak na magbabaha. Ang maganda lang ay madali rin itong humupa kapag walang bara at basura ang ating mga drainage system.

Tulad din ito ng daloy ng trapiko sa a­ting lansangan. Hindi ba ninyo napapansin na maluwag ang trapiko tuwing Linggo o kapag walang pasok sa eskuwelahan at trabaho? Maluwag din ang daloy ng trapiko tuwing dis-oras ng madaling araw. Bakit? Dahil kaunti lang ang makikita mong sasak­yan sa lansangan.

Parang ayuda rin ito ni DPWH Sec. Mark Villar sa tunay na solusyon sa ating trapik. Ayon sa kanya, kailangang magbawas tayo ng 300,000 na sasakyan sa EDSA upang matupad ang pangako ng administrasyon na maayos ang trapiko sa EDSA. Totoo naman ang kanyang sinasabi. Mas kaunti ang sasakyan, mas maluwag ang daloy ng trapiko. Ayon sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA) noong 2015, nawawalan tayo ng P2.4 billion kada araw sa ating ekonomiya dulot ng matinding trapik. 2019 na po, wala pa rin tayong solusyon sa nasabing pag-aaral. Malamang ay baka mahigit sa P3 billion kada araw na ito!

Sa kasalukuyan, ang pamahalaan natin ay patuloy ng gu­magawa ng malala­king mga proyektong pang-imprastraktura tulad ng karagdagang tulay na mag-uugnay sa Makati, Mandaluyong at Pasig. Gayundin ang planong konstruksiyon ng subway mula Que­zon City hanggang Makati. Patuloy rin ang ginagawang MRT-7 na aabot mula San Jose Del Monte City sa Bulacan patungong North EDSA. Malapit na ring matapos ang interconnector road na magdurugtong sa SLEX at NLEX at babaybay sa atin sa port area. Dahil dito, maaaring mabawa-san ang mga cargo truck na nakikita natin na bumabaybay sa C5. Isa ito sa nagdudulot ng mabigat na trapiko sa nasabing lugar.

Pero kailangan ng gobyerno na mag-isip kung papaano mababawasan ang sasakyan na bumibiyahe sa Metro Manila. Sa totoo lang, nagmumukang walang saysay ang number coding. Marami sa ating mga motorista ang tinatanggal ang kanilang plaka kapag tumama ang dulong numero nito sa coding. Pinaiiral nila ang conduction sticker bilang batayan ng kanilang coding maski may plaka na inisyu ang LTO. Tsk tsk tsk. Ang mga Pinoy talaga, magaling sa palusutan!

Bukod diyan ay dapat maging seryoso ang LTO at LTFRB sa pagpapatupad ng moder­nisasyon ng ating mga pampublikong sasak­yan. Marami sa kanila ay wala sa kondisyon at bulok na. Ito rin ang dahilan kung bakit ang ilan sa mga ito ay nadadawit sa aksidente dahil bumigay ang kanilang mga preno o kaya ay pumutok ang kalbong gulong.

Dapat din taasan ang insurance at rehis­tro ng mga lumang sasakyan upang ma-discourage sila sa pagpapanatili ng lumang sasakyan. Dapat ay ipa­ramdam sa mga guma­gamit ng mga lumang sasakyan na mahal na nga ang maintenance, mahal pa rin ang pagpaparehistro. Dapat ay masigasig din ang MMDA, LTO, LTFRB at mga LGU na hatakin at kunin ang mga bulok na sasakyan na nakaparada sa lansangan. Nagpapasikip ito sa daan. Ito ang mga legal na paraan upang matanggal o mabawasan ang sasakyan sa Metro Manila.