Agad na nagpaabot ng pakikiramay si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa pamilya ng tatlong mangingisda na namatay sa Bajo de Masinloc sa Zambales noong Lunes ng gabi matapos na sagasaan ng isang oil tanker ang kanilang bangkang pangisda.
Sa isang pahayag, sinabi ni Speaker Romualdez na, “Sobra na. This has to end ang pinaggagawa sa mga fisherman natin diyan sa lugar.”
“Hindi natin hahayaan na lang na masayang ang buhay ng mga mangingisda natin na hindi natin alam sa ngayon kung sino ang nakapatay sa kanila,” galit na pahayag ng lider ng Kongreso.
Ayon sa mambabatas mula sa Leyte, “inaasahan natin na ang confidential at intelligence fund na ililipat sa coast guard ay makakatulong sa gagawin nilang imbestigasyon.
Nangako ang lider ng Kongreso na gagawin ang lahat ng gobyerno para mapanagot ang mga nakapatay sa mga mangingisda.
Samantala sa update report naman ng PCG sinasabing isang Pacific Anna Crude Oil Tanker na may bandilang marshall islands ang posibleng nakabangga sa pinoy fishing vessel sa Bajo de Masinloc na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong tripulante.
Paliwanag ng Philippine Coast Guard, ang detalyeng ibinigay sa kanila ng mga crew at survivors ng lumubog FBB Dearyn, ay nagtutugma sa kanilang ginawang cross referencing.
Dahil dito ay makikipag-ugnayan ang PCG sa marshall island para sa patutunguhan ng nasabing tanker vessel.