(Sobrang bilib kay Ping) GABINETE NI DUTERTE SA LACSON-SOTTO TANDEM SUMAMA

PARA  sa Lacson-Sotto senatoriable na si dating Department of Agriculture (DA) Secretary ng Duterte administration na si Manny Piñol, ang pambato ng Partido Reporma sa pagkapangulo sa 2022 elections ang pinakahinog sa karanasan pagdating sa paglilingkod sa gobyerno.

Personal itong sinabi ni Piñol sa pagdalo sa kauna-unahang Lacson-Sotto tandem weekly media briefing na idinaos nitong Huwebes, Nobyembre 4 sa pamamagitan ng Zoom bilang pagtalima sa umiiral pa ring health protocols laban sa COVID-19.

“Alam ni’yo, we are facing a very critical period in our history as a nation. And I believe that at this point in time, we need a levelheaded president. ‘Yung hindi panicky, ‘yung hindi gagawa ng bigla-biglaang desisyon base lamang sa bulong ng isang tao o isang grupo. And I see Senator Lacson as the most experienced candidate,” banggit ni Piñol sa nabanggit na forum.

Bukod sa naturang deskripsiyon, isiniwalat din ni Piñol ang paghanga kay Lacson dahil bagama’t hindi umano ito mapipigilan sa pagpuna kapag may maling nakikita sa pamamalakad sa gobyerno, kahit minsan ay hindi ito namersonal.

“Since kaibigan ako ng presidente, ayaw kong tirahin siya, kasi kaibigan ko e. And I was looking for a presidential candidate na although pumupuna ng kakulangan, kahinaan at dapat gawin sa gobyerno ay hindi tumitira nang personal, at nakita ko ‘yon kay Senator Ping Lacson,” mariing banggit ni Piñol.

Ayon pa kay Piñol, kaibigan din niya ang ibang presidentiables pero kay Lacson lamang umano niya nakita ang katangian na puwedeng isabak sa mga kasalukuyang problema na kinakaharap ng bansa.

“Kaibigan ko si Manny Pacquiao, kaibigan ko si Isko Moreno, I consider Bongbong as a friend of mine; although hindi ako masyadong close kay Vice President Leni, I respect her. But among all of these presidential candidates, I see Ping Lacson as the most mature among the present candidates,” banggit pa ni Piñol.

Buo rin aniya ang desisyon ni Lacson sa mga panahon ng krisis na gaya ng nararanasan ng bansa sa kasalukuyan.

“And you know, in a crisis situation, I would go to somebody who makes decisions hindi haphazardly kundi buo ‘yung kanyang paniniwala sa isang bagay based on what we call the complete staff work. So, that’s the reason why si Senator Lacson actually ang sinamahan ko,” ayon pa kay Pinol.