TRABAHO, iyan ang gusto ng marami sa atin. Importante nga naman ang pagkakaroon ng trabaho nang matugunan natin ang pangangailangan ng pamilya at sarili. Ngunit hindi lahat ng trabaho ay masasabing maganda o matatagalan natin. Kaakibat ng pagtatrabaho ang samu’t saring problema at pagsubok na kailangang lampasan ng bawat empleyado.
Alam naman nating kapag nagtrabaho, kailangan itong pag-igihan. Kailangang gawin ang lahat upang matuwa ang boss at maging ng mga kasamahan sa trabaho.
May ilang mga empleyadong hindi naman pinag-iigihan pero kung makaasta ay akala mo ang galing-galing. Hindi naman puwede ang ganoon. Kumbaga, mag-effort ka rin. Patunayan mo ang sarili mo. Kapag nakita naman ng mga kasamahan at boss mo ang effort o galing mo sa trabaho, tiyak pupurihin ka nila.
Sa pagtatrabaho lalong-lalo na sa opisina, hindi lamang sarili ang kalaban natin kundi ang mga gawaing nakaatang sa atin, kasamahan sa trabaho at pati na rin ang boss. May mga boss na sobrang demanding. May iba ring masungit. Lagi na lang salubong ang kilay at pasigaw kung magsalita.
Kunsabagay, may dahilan kung kaya’t nagiging mataray ang mga boss. May dahilan kung bakit umuusok agad ang ilong nila at nagsasalubong ang kilay kahit sa kaunting pagkakamali lang. Siyempre, ginagawa lang din nila ang kanilang mga trabaho at nais nilang maging perfect o maayos ang lahat. Bukod pa roon, ang stress at pressure na nararamdaman nila ay triple sa nararamdaman mo.
Sa susunod na muli kang masungitan o mapagalitan sa isang bagay na alam mo namang nagkamali ka, narito ang ilang tips na maaari mong isapuso upang maunawaan at matanggap ang sermon nila o ang pagiging demanding:
MAY DAHILAN ANG LAHAT
May dahilan ang lahat ng bagay kaya nangyayari. Kung napagalitan ka man o nasita, baka may pagkukulang ka sa iyong trabaho. O baka naman mainit lang ang ulo ni boss at hindi niya sinasadyang magalit o sumigaw.
Intindihin din natin sila. Habang tumataas ang posisyon ng isang tao, dumarami ang problema at pagsubok na kanilang kinakaharap. Dumarami rin ang mga taong gustong agawin ang kanilang posisyon.
GALINGAN NANG MAGING ASSET SA KOMPANYA
Ipakita rin ang iyong talento nang maging asset ka sa kompanya. Wala nang iba pang makapagpapaligaya sa isang boss kundi ang mga ginagawang maganda ng kanyang empleyado.
Gawin ng maayos ang trabaho. Mas maganda kung pagtuunan na lamang ng oras ang iyong trabaho kaysa makipagtsismisan o mainis sa boss.
Mas masarap sa pakiramdam na nagtatanim ka ng kabutihan sa ibang tao kahit na ginagawan ka nila ng mga bagay na hindi kanais-nais. Pinagpapala ang mga nagpapakumbaba.
TINGNAN ANG KANILANG MAGANDANG UGALI
May dalawang bahagi ang bawat tao – mabuti at masama. Kahit na gaano pa kasama ang isang tao, may makikita’t makikita kang magandang ugaling taglay niya. Iyon ang alamin at mag-pokus doon.
Kumbaga hanapin ang mabubuting quality ng iyong boss kaysa husgahan ang kanilang kakulangan bilang isang tao.
PAG-ARALAN ANG KANILANG MOOD
Kahit naman sino, kung matiyempuhan mong mainit ang ulo ay talagang masusungitan ka lalo na kung may mali kang nagawa. Kaya naman upang mas maging epektibo ang pakikipag-usap sa iyong boss, pahupain muna ang tensiyon o init ng ulo bago ka lumapit kung may sasabihin o itatanong. Tumiming ka. Hindi iyong sige ka lang ng sige.
MAKIPAG-USAP SA BOSS AT IPAALAM ANG SALOOBIN
Lahat ng sobra ay nakasasama. Kung sumosobra na ang boss, maaari itong kausapin at ipaalam ang iyong saloobin. Okey lang na mapagsabihan lalo na kung nakagawa ka ng pagkakamali. Pero kung ipinahihiya ka na sa maraming tao, ibang usapan na iyan. Kausapin mo siya para maitayo mo ang iyong dignidad at pagkatao.
Kahit na sino, walang karapatang magpahiya.
HINDI LAHAT NG BOSS AY PARE-PAREHO
May masusungit na boss. Pero siyempre, may mababait din. Kung nagkaroon ka man ng demanding na boss at masungit, hindi ibig sabihin niyon lahat ng boss ay ganoon. Hindi pare-pareho ang mga boss, tandaan natin iyan. Iba-iba ang tao at mahalagang kilalanin muna sila bago manghusga o maging malayo sa kanila.
HUWAG NA HUWAG MAGTATANIM NG GALIT SA KAHIT NA KANINO
May mga bagay naman talagang hindi napagkakasunduan. Dumarating din ang pagkakataong hindi nagkakasundo ang boss at empleyado. Sa gani-tong pagkakataon, pakatatandaang ang trabaho ay trabaho. Kung may hindi man kayo pagkakaunawaan ng boss mo sa trabaho, huwag na iyong dadalhin pa sa labas o pepersonalin.
Huwag na huwag magtatanim ng galit sa kahit na kanino—sa boss man o kasamahan sa trabaho. Wala itong maidudulot na mabuti. Matutong magpasensiya sabihin mang nagiging sobrang demanding na siya o masungit. Para makausad sa buhay at gumanda ang posisyon sa trabaho, gawin ng maayos ang mga nakaatang na gawain. (photos mula sa google)
Comments are closed.