SOBRANG MABABANG PRESYO NG KRUDO ‘DI RIN MAKABUBUTI SA FILIPINAS

NAGBABALA si Committee on Energy Vice Chairman Carlos Roman Uybarreta na hindi rin maganda para sa ekonomiya ng bansa kung bababa pa lalo ang presyo ng crude oil.

Ito ay kasunod na rin ng malaking pagbaba ng crude oil prices ng OPEC na naitala sa $71.09 per barrel nitong Hunyo 18 mula sa $77.19 per barrel noong Mayo 22.

Ayon kay Uybarreta, maganda ito para sa bansa dahil maaaring asahan sa mga darating na araw ang sunod-sunod na rollback sa produktong petrolyo.

Umaasa ang kongresista na bababa pa ang presyo ng langis hanggang sa $60 per barrel at mananatili ang ganitong halaga sa susunod pang mga buwan.

Pero, sinabi ni Uybarreta na hindi rin magiging maganda para sa ekonomiya ng bansa kung masyado nang mababa ang presyo ng krudo dahil maaapektuhan din ang ekonomiya sa Middle East at maaaring bumagsak ang OFW remittances.

Mainam aniya na balanse lamang ang presyo ng krudo dahil malaki din ang naitutulong ng remittances sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa.

Samantala, kinalampag muli ni Uybarreta ang Senado na ipasa na ang kanilang bersiyon ng panukala na layong alisan ng VAT ang singil sa system loss sa koryente ng Meralco at iba pang power distribution companies.

Paliwanag ng mambabatas, makatutulong ang pagtanggal ng VAT sa system loss na singil sa electricity bill para mabawasan ang epekto ng fuel prices sakaling tumaas muli ang presyo ng produktong petrol­yo at langis sa world market. CONDE BATAC

Comments are closed.