SOBRANG PAGKAIN I-DONATE (Pinamamadali sa Kamara)

sobrang pagkain

AGAD na pinaaaprubahan sa Kamara ni House Deputy Majority Leader at Bagong Henerasyon Partylist Representative Bernadette Herrera-Dy ang House Bill 3342 o ang Zero Hunger Act.

Muling inihain ni Herrera-Dy ang panukala kung saan tinitiyak na walang sobrang pagkain ang masasayang dahil ang mga sobrang pagkain mula sa mga restaurant, food stalls at iba pang food establishments ay ido-donate sa mga charity.

Layunin ng panukala na makamit ang zero hunger sa mga Filipino gayundin ay mabawasan ang mga nasasayang na pagkain na itinatapon na lamang kapag hindi nabibili o naibebenta.

Nakalagay sa probisyon ng panukalang batas ang pagbuo ng Food Rescue Program kung saan ang mga restaurant at ibang food establishments na regular na nagbibigay ng mga sobrang pagkain sa  charities ay makakatanggap ng tax deduction at certificate.

Mayroon ding safety standards na itatakda para matiyak na ligtas at malinis ang mga donasyong pagkain.

Batay sa pag-aaral ng Food and Agriculture Organization (FAO) ay aabot sa 1.3 bilyon na toneladang pagkain ang nasasayang kada taon, isa sa bawat pitong tao ang nakararanas naman ng kagutuman habang 20,000 na mga batang may edad 5 taon pababa ang namamatay sa gutom sa buong mundo.

Sa Filipinas naman, 2.7 milyong pamilya ang nakararanas ng gutom habang 2,175 toneladang pagkain ang nasasayang sa Metro Manila araw-araw. CONDE BATAC

Comments are closed.