Sobra umanong patong sa kada kilo ng bigas sa mga tindahan sa Makati ang nabisto ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) habang binalaan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang mga importer sa mahal na presyo ng branded na bigas.
Natuklasan ng DA at DTI ang presyo ng bigas na dapat ay nasa P47 hanggang P49 kada kilo ay ibinebenta ng P62 kada kilo. Posible aniyang lumabag sa profiteering ang naturang mga nagbebenta nito.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., posibleng kaso ito ng profiteering dahil ang landed cost lamang nito ay P42 kada kilo.
Sa ilalim ng Republic Act No. 12022 or the Anti-Agricultural Economic Sabotage Act na nilagdaan ni Pangulong Marcos noong Setyembre, ang smuggling, hoarding, profiteering, cartel o financing ng crimes na may kaugnayan sa mga produktong pang agrikultura kabilang ang pangisdaan, ay may may kaparusahang habambuhay na pagkabilanggo at multang limang beses ang taas sa produkto.
Layunin ng naturang batas na maging abot kaya ang mga produkto ng agrikultura at pagkain para sa mga Pilipino.
Ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act ay isang priority measure ng Marcos administration. Nirepeal nito ang Republic Act No. 10845 or Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016, at ipinalit dito ang nasabing bagong batas na naglalaman ng mas komprehensibo at mas mahigpit na pagpapatupad ng batas at mas mabigat na kaparusahan sa mga lumalabag nito.
Samantala, nagbabala din si Tiu Laurel sa mga importers na nagbebenta ng mga branded rice sa mataas na presyo. Posible rin aniyang maharap sa kaso ng profiteering ang mga ito.
Malayo at unreasonable ang selling price ng importers mula sa landed costs nito, dagdag pa ng Kalihim kaya magpapatawag siya ng pagpupulong hinggil sa bagay na ito sa mga importers at ibang posibleng sangkot sa issue na ito. Sumobra umano sa dapat na profit margin na P5 hanggang P7 lamang kada kilo ang patong upang maibenta pa ang bigas sa halagang P47 hanggang P50 kada kilo.
Sa kabilang banda, ibinahagi naman niya na magbebenta na rin ng P29 kada kilo sa ilalim ng P29 program ng Kadiwa ng Pangulo para sa mga vulnerable sector. Isasama na ang P29 program sa mga piling public markets, LRT, at MRT stations na kasakukuyang nagbebenta ng P40 kada kilo. Kabilang sa vulnerable sectors ang 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program beneficiaries), senior citizen, single parent, at persons with disabilities (PWD) sa mga booth.
Sa naturang programa, ang ibinebentang P29 na kada kilo ng bigas ay ang mga naluluma subalit de kalidad pa na bigas mula sa National Food Authority (NFA).
Nag-uusap na rin ang DA at Department of Interior and Local Government (DILG) kung paano mapapalawig at maipapatupad ang mga naturang programa at kiosks sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ma. Luisa Macabuhay-Garcia