HANDANG gamitin ng gobyerno ang sobra sa taripang makokolekta sa mga inaangkat na bigas bilang pondo sa unconditional cash transfer program para sa mga maliliit na magsasaka na naapektuhan ng pagbulusok ng presyo ng palay.
Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez III, ang P10-billion na itinakda taon-taon para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ay naabot na, pitong buwan makaraang ipatupad ang Rice Tariffication Law.
May sobra pa, aniya, sa nakolektang taripa na nagkakahalaga ng P1.4 bilyon hanggang noong Oktubre 31.
“The P10 billion is already fixed, it already has an allocation (for RCEF). The excess will be part of the P6 billion that will be allocated to the farmers for two years,” wika ni Dominguez.
Napag-alaman na ang mga magsasakang may dalawang ektaryang lupain at pababa ay magbebenepisyo sa unconditional cash transfer program na ngayong taon ay paglalaanan ng P3 bilyon at P3 bilyon din sa 2020.
Noong nakaraang linggo, inanunsiyo ni Agriculture Secretary William Dar na 600,000 small rice farmers ang pagkakalooban ng P5,000 bawat isa sa ilalim ng naturang programa.
Ayon pa kay Dominguez, may listahan na ang DA para sa mga benepisyaryo ng programa. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.