SOBRANG TIMBANG, IWASAN NANG MAGING HEALTHY AT HAPPY

overweight

(ni CT SARIGUMBA)

IMPORTANTENG naaalagaan natin ang ating sarili. Oo nga’t sobrang sarap ang kumain. Pero hindi ibig sabihin nito ay hahayaan na lang natin ang ating sariling kainin ang lahat ng pagkaing ating ninanais.

Kailangan din nating mag-ingat sa pagkain nang hindi tayo sumobrang taba o maging lumba-lumba. Masama ang sobrang taba o timbang. Maraming sakit ang maaaring makuha kung sobra ang timbang o mataba ang isang tao.

Kaya para maiwasan ang sobrang timbang, narito ang ilang paraan na maaaring subukan:

MAG-EHERISYO

Hindi lang ito dapat ginagawa kung kailan maisipan, mas maganda kung araw-araw itong gagawin para masunog ang mga naimbak na calories na hindi na­gamit ng katawan.

Kapag hindi nasunog ang naipong calories, nagiging sanhi ito ng bilbil at taba sa katawan.

Kaya naman, para maiwasan ito, ugaliing mag-ehersisyo araw-araw.

Ang simpleng paglalakad ay malaki na ang maitutulong para matunaw o mawala ang sobrang calories. Kaya kung malapit lang naman ang pupun-tahan, piliing maglakad nang maging healthy.

MAG-INGAT SA KINAKAIN

Isa sa dapat na­ting ingatan ay ang mga kinahihiligan na­ting pagkain. Kumain ng mga masusustansiyang pagkain at iwasan ang pagkain ng maa­aring makasira o hindi maganda sa katawan gaya ng junkfood at softdrinks.

Karamihan sa mga ito ay walang sustansiya at nakasisira sa katawan.

UMINOM NG MARAMING TUBIG

 Kailangan din na­ting uminom ng mara­ming tubig para mawala o lumabas ang mga dumi sa ating katawan.

Ilan sa dahilan kung kaya’t nararapat lang tayong uminom ng maraming tubig ay nakapagbibigay ito ng lakas at nakawawala ng nadaramang pagod. Nakatutulong din ito sa pagbabawas ng timbang.

Uminom din ng isang basong tubig bago kumain. Nakabubusog ang tubig at mas kaunti ang iyong makakain.

MAGPAHINGA NG MAAYOS

Sapat na pahinga, isa rin iyan sa napakahalaga.  May ilan na kapag puyat, napalalakas ang kain kaya lumulubo o tumataba.

Kung tama o may sapat kang pahinga, nagi­ging malinaw ang isip mo at lumalakas ang iyong resistensiya.

Hindi ka rin madalas na nakararamdam ng gutom.

KUMAIN NG ALMUSAL ARAW-ARAW

Kapag hindi ka nag-almusal, mas gugutumin ka pagdating ng tangha­lian at mapaparami ang iyong makakain.

Kumain din ng mas mabagal. Kapag mabagal ka kumain, mas mararam­daman mo ang pagkabusog at mababawasan ang iyong makakain.

Umiwas naman sa matatamis na inumin tulad ng softdrinks, iced tea at juices. Nakatataba ito at nakadaragdag sa paglaki ng bilbil.

BAWASAN ANG STRESS

Kaakibat na natin ang stress. Araw-araw na natin itong kasa-kasama. Gayunpaman, iwasan pa rin ito o i-manage nang maayos upang hindi maapektuhan ang kalusugan.

Maraming paraan upang maibsan ang nadaramang stress gaya na lang ng paglabas kasama ang mga kaibigan at kapamilya, paggawa ng mga bagay na nakapagpapasaya sa iyo o hobby mo, pagbabasa, pame-meditate o yoga.

MAGING POSITIBO

Pagiging positibo, isa pa iyan sa kailangan upang mapanatili nating healthy ang kabuuan. Mahalaga ang healthy mindset upang magawa ng maayos ang gawain.

Marami ring magagandang epekto ang pagiging positibo. Kaya’t anuman ang kinahaharap na problema, panatilihin ang positibong pananaw at pag-iisip.

MAHALIN ANG SARILI

Panghuli, mahalin ang sarili. Mahalin natin ang ating sarili. Ibig sabihin, maglaan din tayo ng panahong makapagpahinga. Hindi puwedeng puro tra-baho lang. Kailangang nakapagre-relax din tayo. At kung mahal din natin ang ating sarili, hindi tayo kakain ng alam na­ting makasasama sa ­ating ka-lusugan.

Hindi mabilang ang paraan upang maiwasan natin ang katabaan o sob­rang timbang. Kaya naman, para ma-enjoy ang buhay, iwasan ang sobrang timbang, Panatilihin ang pagiging healthy. (photos mula sa ksmedcenter.com at rosannadavisonnutrition.com)

Comments are closed.