SOCE NG MGA KANDIDATO ISINUMITE NA SA COMELEC

COMELEC-7

ISINUMITE na ng mga kandidatong tumakbo sa midterm elections noong Mayo 13 ang  kani-kanilang Statement of Contribution and Expenditures (SOCE) sa  Commission on Elections (Comelec) kasabay ng deadline sa paghahain nito kahapon.

Ayon sa Comelec, dakong 12:10 ng tanghali noong Huwebes ay nasa 18 senatorial candidates, 50 partylists, at tatlong political parties na ang nakapagsumite ng SOCE.

Kabilang sa mga maagang nakapagsumite ng kanilang SOCE ay sina reelected Senators Nancy Binay at Cynthia Villar, na naghain ng dokumento noong Hunyo 11, gayundin sina Senators-elect Pia Cayetano, na nagsumite naman noong Hunyo 12, at dating Special Assistant to the President (SAP) Secretary Christopher “Bong” Go na sa mismong araw na ng deadline.

Alinsunod sa itinatakda ng batas, nanalo man o natalo ang kandidato ay kinakailangan silang maghain ng SOCE na dapat sana ay Hunyo 12 ang deadline ngunit natapat ito sa regular holiday kaya’t pinalawig hanggang kahapon, Hunyo 13.

Binalaan naman ng Comelec ang mga mahuhuli sa paghahain ng SOCE na mahaharap sa penalty ng mula P6,000 hanggang P10,000 depende sa posisyong kanilang tinakbuhan.

Gayunpaman, pinapayagan naman ng batas na makapag­hain ng naturang dokumento ang mga nanalong kandidato sa loob ng anim na buwan, matapos silang maiproklama ngunit habang hindi nila naipapasa ang kanilang SOCE ay hindi sila papayagang makaupo sa puwesto.

Matatandaang ang mga nana­long local candidates ay kaagad na naiproklama sa puwesto matapos ang eleksiyon habang Mayo 22 naman nang maisagawa ng Comelec na tumayong National Board of Canvassers (NBOC), ang proklamasyon sa mga nanalo sa senatorial at party-list race. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.