NAGPAALALA ang pamunuan ng Commission on Elections (Comelec) sa lahat ng mga kumandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections na idinaos noong Mayo 14, 2018 na mayroon na lamang silang hanggang sa Miyerkoles, Hunyo 13, para maghain ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).
Kaugnay nito, upang ma-accommodate ang lahat ng maghahain ng SOCE ay tiniyak ng poll body na bukas ang kanilang mga tanggapan sa Hunyo 12, kahit pa holiday sa nasabing araw dahil sa paggunita ng bansa sa Araw ng Kalayaan.
“The deadline for the filing of SOCEs for #BSKE2018 is on June 13,” paalala ni Comelec spokesperson James Jimenez sa mga kandidato sa kanyang Twitter account.
“Please note that @COMELEC offices will be open on June 12, to receive SOCEs,” ayon pa kay Jimenez.
Tiniyak naman ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon na lahat ng kanilang field office employees ay bibigyan nila ng overtime pay sa nasabing araw.
“@COMELEC all field office employees have overtime pay on June 12. They will accept SOCEs statement of contributions. Deadline June 13,” tweet pa ni Guanzon.
Alinsunod sa batas, ang mga kandidato sa eleksiyon, nanalo man o natalo, ay kinakailangang magsumite ng kanilang SOCE.
Ang pagkabigong maghain ng SOCE ay may katapat na parusang diskuwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.