QUEZON CITY- INILABAS ng Department of Transporation (DOTr) ang alituntunin sa pagbibiyahe ng mga bus, jeep, Light Rail Transit, Metro Rail Transit, sasakyang pandagat at panghimpapawid bilang pagtugon sa Resolution 11 ng Inter-Agency Task Force For Management of Emerging Infectious Disease.
Una nang nakipag-ugnayan si Transport Secretary Arthur Tugade sa mga bus company at sa mga jeepney transport operators at pinaalalahan ang mga ito hinggil sa ipinatutupad na social distancing na magreresulta na kalahati mula sa bilang ng pasahero ang maaari nilang isakay.
Sa railway sector, magbabawas ng sakay upang maisakatuparan ang social distancing na 1 meter.
Ang mga bus naman ay dapat 25 lamang ang sakay habang half capacity policy ang ipaiiral sa mga jeepney.
Duda naman ang Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) na maipatutupad ito dahil mahihirapan umanong pigilan ang mga pasahero lalo kung rush hours.
Paralisado rin ang aviation sector sa Metro Manila at pansamantalang ililipat sa Sangley Airport sa Cavite o Clark International Airport sa Pampanga.
Para sa mga international flights, nilinaw ng aviation sector na papayagan ang special airport-to-airport trips na maaaring gawin ng mga airline.
Binigyang-diin naman ng Maritime sector na hindi maaantala ang galawan ng mga cargo patungo at palabas ng NCR. Lahat ng cargo trucks/vans papasok at palabas ng Port of Manila (South Harbor, MICT, North Harbor at Manila Harbor Center) ay kinakailangang kumuha ng Cargo Entry/Withdrawal Permit (CEWP) mula sa Philippine Ports Authority (PPA), na ipapakita sa mga itinalagang checkpoints.
Ipatutupad din ang “No Sail” o pagbabawal sa paglalayag sa mga sasakyang pandagat mula at patungo sa anumang pantalan sa Metro Manila, maliban na lamang sa foreign ships na kinakailangang dumaan sa CIQS procedures, mga domestic cargo, sasakyang pandagat na pangisda at government vessels o sasakyang pandagat ng pamahalaan, alinsunod sa panuntunan ng DOH.
Ipatutupad rin ng maritime sector ang one-meter social distancing sa mga pantalan, terminal, onboard vessels, at mga watercraft.
Nanawagan naman si Tugade sa riding public na pasanin ang bigat, indahin ang abala at sakripisyo para sa ikabubuti ng nakararami.
Pansamantala lamang aniya ito subalit tiyak na malalampasan din dahil ang layunin nito ay maproteksiyunan ang sarili mula sa COVID-19. VERLIN RUIZ
Comments are closed.