INIUTOS ni Las Pinas City Mayor Imelda ‘Mel’ Aguilar ang mahigpit na pagpapatupad ng social distancing sa pampublikong merkado sa lungsod kabilang ang mga talipapa upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease o COVID-19.
Ani Aguilar, kanya nang inatasan ang market supervisor na si Armado Cristobal na bumuo ng isang team na siyang magmamanman sa loob ng mga pampublikong merkado sa lungsod tungkol sa mahigpit na pagpapatupad ng social distancing ng mga namamalengke.
Para naman sa lahat ng talipapa sa buong lungsod, inatasan ni Aguilar ang mga Punong Barangay na ipakalat ang kani-kanilang mga tanod upang umikot at magmatyag sa mga mamimili upang siguruhin na sinusunod ang pamantayan ng social distancing.
Ayon kay Cristobal, nagbukas na sila ng mga pasukan at labasan sa mga pampublikong merkado upang maging maayos ang sistema ng mga taong pumapasok at lumalabas sa naturang palengke.
Para naman sa mga nagtitinda at stall vendors sa loob ng palengke ay nagbigay ng tagubilin si Cristobal na lagyan ng takip na plastic ang kanilang mga paninda upang hindi na mahawakan pa ng kanilang mga mamimili. MARIVIC FERNAMDEZ
Comments are closed.