SOCIAL JUSTICE NAMAN

MASAlamin

ANO nga ba ang social justice? Parang napakabigat na mga salita na may kinalaman sa bawat isa sa atin. Ano ang kanyang depenisyon? Kaysa ibigay ko ang depenis­yon nito, ipapakita ko na lamang. Ang social justice ay pagkakaroon sa nakukuha ng Estado.

Ang bawat Filipino ay nararapat na magkaroon sa bawat ginto, la­ngis, o sa bawat piso na inaani ng Estado. Paano ‘yun?

Halimbawa, ‘yang kita mula sa Malampaya, nararapat na maramdaman ‘yan ng bawat sambahayang Filipino, kaysa napupunta lamang sa isang Napoles at mga korap na kongresista at opisyal ng gobyerno.

Alam n’yo na, ang korupsiyon ay pangunahing kaaway ng social justice. Nilalamon ng korupsiyon ang dapat sana ay nasa hapag-kainan ng bawat Pepe at Pilar.

Tama naman na ipagawa ng gobyerno ang mga kalye sa buong bansa, ngunit kapag ang gagawin nila ay wawasakin ang kalyeng gawa naman at sesementuhing panibago, isang maliwanag na paglihis ‘yan sa social justice. Sana ay nagamit na lamang ang pondo upang tanggalin sa kalye ang mga pa­laboy at bigyan ng ta­hanan at makakain.

Paano ako kakain ng isang platong pagkain na ang halaga ay nasa P5,000 samantalang may kapit-bahay akong walang maipaulam sa kanyang mga anak?

Ang Saligang Batas  ay nagsasaad ng ukol sa social justice, ngunit nagmumukhang isang ideal lamang ito at hindi isang reyalidad.

Kung nagtatamasa ang mga mayayaman sa bansa, nararapat lamang na magtamasa rin ang mga ordinaryong mamamayan sa yaman ng kanyang bansa. Hindi dapat sila pinahihirapan na parang mga alipin at mga tau-tauhan lamang kundi mga taong may dignidad at kapwa nagmamay-ari ng higit sa 7,100 mga isla na nasasakupan ng Filipinas.

Ang lahat ng batas ay nararapat na nakainog sa esensyang iyan ng pagka-Filipino dahil ‘yan ang tunay na esensya ng pagka-Filipino — mayaman, masaya, malikhain, mapagmahal, marespeto, maka-kapwa-tao.

Lahat ng tataliwas sa panawagan ng social justice ay mga demonyo. Kaya sa darating na halalan, alam na this.

Comments are closed.