MALI nga naman talaga ang mga nagtitinda sa mga bangketa at lansangan na karaniwang nakikita natin sa mga lugar ng palengke at talipapa. Mali talaga, illegal ‘ika nga. Kaya tama ang Metropolitan Manila Development Authority, mga barangay police, city hall officers at mga pulis na pagbabaklasin at paghuhulihin ang mga ito.
Kahit na nga nakakaiyak silang panooring nagtatakbuhan at kapag nahuli ay kumpiskado lahat ang kani-kanilang mga paninda, naiisip mo rin na kung nagagawa natin sa kanila ang ganyan dahil nga ilegal ang kanilang pagtitinda dahil wala sa ayos at sa regulasyon, kung bakit naman nananatiling nagagamit ng mga pribadong sasakyan na paradahan ng sasakyan ang mga pampublikong lansangan?
Nakikita naman natin ang effort ng MMDA na sawayin ang mga naka-hazard sa mga kalyeng daluyan ng mga sasakyan, ngunit kung ikukumpara sa trato sa vendors e mukhang malaki ang pagkadispalinghado.
Isang ikot mo lang sa buong Metro Manila e alam mo na daan-daang mga sasakyan ang pawang mga ilegal na naka-park sa mga lansangan.
Kung ang purpose ng panghuhuli sa illegal vendors ay magkaroon ng matinong daluyan ng mga sasa-kyan sa mga lansangan, ay ganun din ang prinsipyo sa likod ng pagbabawal sa mga naka-park na ilegal sa mga lansangan, kasama na ‘yang mga naka-hazard sa major thoroughfares.
Bakit parang kapos sa political will pagdating sa private vehicles, ngunit kapag sa mga maliliit na vendor ay walang habas natin silang pinalalayas sa kani-kanilang pagtitinda?
‘Yan ang hamon natin sa mga kinauukulan, na maging patas at magkaroon ng political will na ipag-to-tow rin ang mga sasakyang haharang-harang sa mga lansangan. May mga permit ba ang mga ‘yan na pumarada sa mga kalyeng ‘yan? ‘Di ba wala rin?
Isipin mo mga kamasa, gigising ng pagkaaga-aga ang mga kababayan nating vendors, maliligo, magbibi-his, aayusin ang mga paninda, pakakainin ang pamilya, bago itutulak ang kani-kanilang mga kariton patungo sa mga lugar na kanilang pagtitindahan, ngunit hayun maya-maya lamang ay hinahabol na sila ng awtoridad at ihahagis sa trak ng MMDA ang kanilang mga kariton at mga paninda na kanila lamang ipinangutang, samantalang nagkalat din naman ang mga pribadong sasakyan na haharang-harang sa mga lansangan!
Comments are closed.