UPANG higit na mapatatag ang consumer protection lalo na ang pagpapalakas sa privacy at security ng mga kabataan mula sa lumalaganap na digital marketing system, iminungkahi ni House Committee on Public Order and Security Chairman at Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez na limitahan sa 30 minuto lamang kada araw ang social media exposure ng mga menor de edad.
Sa kanyang iniakdang House Bill No. 543, o ang Social Media Regulation and Protection Act of 2022, iginiit ng House panel chair na kinakailangan magkaroon ng isang batas na ang kapakanan ng mga bata ang siyang pangunahing prayoridad at magbibigay sa kanila ng proteksiyon mula sa paggamit ng social media platforms gaya ng Facebook, Twitter, Instagram at iba pa.
Bukod sa paglilimita sa social media exposure ng mga nasa edad 17 taong gulang pababa kada araw, nais din ni Fernandez na magkaroon ang mga social media company ng mahusay at sapat na notification mechanisms sa mga magulang ng mga bata sa paggamit ng kanilang digital sites.
Gayundin ang pagkakaroon ng “natural stopping points” kung saan awtomatikong pipigilan ang pag-scroll ng mga kabataaan sa partikular sa social media account kapag naabot na nito ang itinakdang limitasyon.
Ayon kay Fernandez, sa ilalim ng HB 543, binabawalan din ang social media firms na kumuha ng personal information ng online users na 13 taong gulang pababa nang walang parental consent, habang sa 13 to 17 years old naman ay dapat hingin muna ang permiso ng mga ito.
Samantala, ang Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Health (DOH) at National Privacy Commission (NPC) ang mga ahensiyang naatasan na masigurong masusunod at maipatupad ng husto ang mga probisyon sa ilalim ng nasabing panukala kapag ito’y ganap na naging batas . ROMER R. BUTUYAN