NANAWAGAN si Senadora Imee Marcos na magpatupad ng maayos at masistemang koordinasyon ang lahat ng ahensiya ng gobyerno at mga pribadong grupong aayuda sa mga apektado ng pag-aalboroto ng Bulkang Taal.
“Bukod sa radio, telebisyon at diyaryo, paigtingin din natin ngayon ang paggamit ng social media sa komunikasyon para sa mas mabilis na tulong sa mga apektado ng pagsabog ng Bulkang Taal,” ani Marcos.
Gayunpaman, dapat ay maging responsable sa paggamit ng social media ang lahat ng kinauukulan at maging ang publiko upang matiyak na hindi sila mabibiktima ng fake news.
Ayon kay Marcos, bagaman alam na ang protocol at aktibo na ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa kanya-kanyang papel sa gitna ng pagsabog ng bulkan, dapat ding masiguro ang malinaw, masistema, mahusay at mabilis na koordinasyon para sa iisang galaw sa pagtugon sa mga biktima ng kalamidad o sakuna.
“Higit na maayos at epektibo kung iisa ang galaw ng mga ahensya, well coordinated para mabilis ang dating ng ayuda sa mga apektado,” dagdag pa ni Marcos.
“Digital era na ngayon, kaya dapat digital din ang pagresponde o dapat mabilis para maiwasang magkaroon ng mga casualty,” ayon pa kay Marcos.
Sinabi pa ni Marcos, na kahit marami nang pinagdaanang sakuna ang bansa, ang kailangan, segundo lang ang pagitan sa pagsasalba ng mga namemeligrong buhay sa mga sakuna lalo pa’t alert level 4 na ang bulkan.
Paalala naman ng senadora sa publiko na mag-ingat, manatiling kalmado pero alerto, at sumunod sa tagubilin ng awtoridad para ‘di mapahamak.
“Tumutok tayo sa social media pero tiyakin natin na ‘yung pupuntahan nating mga web page at social media accounts ay responsible at hindi nagpapalaganap ng fake news para mabilis nating mabatid ang sitwasyon. VICKY CERVALES
Comments are closed.