SOCIAL PENSION NG SENIORS DAGDAGAN NG 1K

1000 PESOS

PINADARAGDAGAN ang social pension ng senior citizens bilang pagkilala sa napakahalaga nilang kontribusyon sa pag-unlad ng bansa at para mabigyan sila ng dagdag na kita para kayanin ang mahal na presyo ng bilihin.

Ito ang nakapaloob sa Senate Bill No. 2142 na inihain ni Senador Bam Aquino na atasan ang pamahalaan na magbigay ng social pension na P1,000 sa lahat ng senior citizens na walang social pension at ang mga tumatanggap ng pension na hindi lalampas sa P3,000.

“Kailangang-kailangan ng ating senior citizens ang dagdag na pensiyon para makatugon sa kanilang araw-araw na pangangailangan at makatulong sa gastusin ng kanilang pamilya. Mahalaga ito lalo na’t mataas ang presyo ng bilihin,” ani Aquino.

“Napakalaki ng kontribusyon ng ating senior citizen sa pagpapaunlad ng bansa. Panahon na para bigyan natin sila ng karampatang kalinga at pag-alala bilang pagkilala sa kanilang sakripisyo para sa bansa,” dagdag pa nito.

Sa pag-aaral na ginawa ng Coalition of Services of the Elderly (COSE), nakita na malaki ang ambag ng social pension sa kita ng isang pamilya.

Subalit,  nakita rin sa nasabing pag-aaral na 32 porsiyento ng walong milyong senior citizens sa bansa ang tumatanggap lang ng social pension na P500 kada buwan, habang 38 porsiyento ang walang nakukuha na kahit anong pensiyon.

Pagdating naman sa 1.5 milyong Social Security System (SSS) pensioners, wala pa sa kalahati ang tumatanggap ng mahigit P3,400 kada buwan.

“With no or inadequate pension for many Filipino senior citizens, they are forced to rely on the modest incomes of their families who are also struggling to make a living,” diin ni Aquino.

“Giving them social pension will greatly help to address their daily needs, and provide some relief to their households,” giit nito.

Maliban sa dagdag na social pension para sa senior citizens, isinusulong din ng senador ang paglikha ng National Commission for Senior Citizens (NCSC) sa kanyang Senate Bill No. 674.

Layon ng panukala na amiyendahan ang Section 11 ng Republic Act 7432 o ang Expanded Senior Citizen Act of 2010, na bu-buwag sa National Coordinating and Monitoring Board at papalitan ng NCSC.

Ang konseho ay pangu­ngunahan ng isang chairperson at commissioners mula sa listahang isusumite ng senior citizens organizations at associations.       VICKY CERVALES

Comments are closed.