SOCIAL PENSION PROGRAM FOR INDIGENT SENIOR CITIZENS

ANG isang mahalagang aspeto na dapat bigyan ng sapat na pansin sa pag-unlad ng lipunan ay ang kagalingan at kapakanan ng ating mga nakatatandang kababayan.

Masasabing isa ito sa mga pinaka-importanteng parte ng pag-aaruga ng lipunan sa mga nagbigay ng kanilang buhay at kontribusyon sa ating bansa.

Isa sa mga hakbang na nagpapakita ng malasakit sa ating mga senior citizen ay ang pagtaas sa social pension na kanilang natatanggap.

Sa kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya, napapanahon ang pagtataas sa halaga ng social pension upang masiguro ang tamang pangangailangan ng ating mga nakatatandang kababayan.

Kaya nga, ngayong Pebrero 2024, umaasa ang ating mga kababayang senior citizen na tatanggap sila ng karagdagang P1,000 buwanang social pension mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sabi nga, isa itong magandang balita para sa ating mga kababayang matatanda na nangangailangan ng dagdag na suporta para maibsan ang epekto ng mataas na inflation.

Ang Republic Act No. 11916, na naging ganap na batas noong Hulyo 2022, ay nagtakda ng 100 porsiyentong pagtaas sa buwanang pensiyon ng mga indigent senior citizen mula P500 patungo sa P1,000 upang lalong matulungan ang mga ito sa pagharap sa mga hamon.

Ayon kay DSWD Assistant Secretary for Strategic Communications Romel Lopez, ang pondo para sa pagpapatupad ng Republic Act 11916 ay kasama na sa badyet ng ahensiya para sa taong 2024.
Ang buwanang social pension para sa mga senior citizen ay ibinibigay sa mga kuwalipikadong benepisyaryo sa isang pagitan ng mga semestre na may kabuuang halaga na P6,000 kada payout upang mapalawak ang kanilang araw-araw na pangangailangan at iba pang pangangailangang medikal.

Ang programa ng social pension ay tumututok sa mga indigent senior citizen na may kahinaan, may sakit, o may kapansanan, o yaong walang permanenteng pinagkukunan ng kita, at walang regular na suporta mula sa kanilang pamilya o kamag-anak.

Kinikilala bilang kwalipikado para sa programa ang mga senior citizen na hindi tumatanggap ng pensyon mula sa Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), Philippine Veterans Affairs Office (PVAO), Armed Forces and Police Mutual Benefit Association, Inc. at iba pa.

Mahalaga nga naman na ang social pension ay hindi lamang nagbibigay ng financial assistance kundi pati na rin ng dignidad at respeto sa ating mga nakatatandang kababayan.

Hindi maikakaila na ang mga senior citizen ay may mga pangangailangan sa kalusugan, gamot, at iba pang mga serbisyo.

Sa pamamagitan ng pagtaas sa social pension, mas maibibigay ang kanilang mga pangunahing pangangailangan at masisiguro natin ang kanilang kagalingan at kapanatagan.

Gayundin, ang social pension hike ay nagbibigay daan para sa mas makatarungan at makataong lipunan. Ito ay naglalayong mabawasan ang antas ng kahirapan sa ating mga senior citizen at magbigay sa kanila ng mas magandang kalidad ng buhay.

Maliban dito, ito ay isang hakbang tungo sa pagpapahalaga sa kanilang kontribusyon sa lipunan.
Sa totoo lang, hhindi lamang ito isang aspeto ng social welfare kundi isang pagtanaw ng utang na loob at pagbibigay galang sa mga nagdaang henerasyon na nagtaguyod at nagbigay daan sa kasalukuyang kalagayan ng ating bansa.