INILATAG ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang kanilang roadmap o mga hakbangin upang matugunan ang mga social problem na idinudulot ng Philippine offshore gaming operators (POGO) industry at matiyak pa rin ang P10.2 bilyong revenue sa 2027.
Sa joint hearing ng Senate Ways and Means at Public Order and Dangerous Drugs committees, sinabi ng PAGCOR na layun ng roadmap na makamit ang nararapat na bilang ng licensee upang unti-unting maiangat ang POGO income sa susunod na limang taon kasabay ng pagsawata sa illegal online gambling operations at social ills dulot nito.
Alinsunod sa roadmap, sa short-term, palalakasin ang offshore gaming employment license at intensify inter-agency cooperation ngayong 2022 hanggang 2023.
Sa medium term naman o sa pagitan ng 2022 at 2025, layun ng PAGCOR na makabuo pa ng mga POGO hubs at magkarooon dito ng government regulatory offices.
Inaasahan ng PAGCOR na aabot sa 3.4 bilyon ang kita mula sa POGO industry sa susunod na taon; 4.8 billion pesos sa 2024; 6.2 billion pesos sa 2025; 7.7 billion pesos sa 2026; at 10.2 billion pesos sa 2027.
Tiniyak din ni PAGCOR, Offshore Gaming and Licensing Department Senior Manager Atty. Renfred Tan na palalakasin nila ang koordinasyon sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang solusyunan ang mga problemang dulot ng industriya.
Sa gitna ito ng kanilang paniniwala na ang mga problema ay nag-ugat sa operasyon ng mga iligal na POGO at hindi sa mga lisensyado ng PAGCOR.
“In the short term that would be very helpful for the POGO industry to differentiate itself… to show that it is a business that does not come with illegal or social costs that are associated with it. Kailangan mapakita na ‘yung social costs stem from those which are illegal and not from those which are duly licensed by PAGCOR,” saad ni Tan. VICKY CERVALES