GAGAMITIN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang social media para sa malawakang pagsusulong ng kaalaman hinggil sa binabalangkas na Federalismo.
Kaugnay nito, binuksan ng DILG ang isang online page kung saan magiging bukas ito sa publiko para malayang magpadala ng mga tanong at komento ukol sa panukalang Federalismo.
Paliwanag ni Interior and Local Government Assistant Secretary and Spokesperson Jonathan Malaya, alinsunod ito sa inisyatiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng public consultation at iba’t ibang online avenues para sa mas malawak na talakayan hinggil sa panukalang Federal Constitution.
Dito, maaaring magpadala ng komento, reaksiyon, suhestiyon at tanong tungkol sa Federalismo ang publiko sa pamamagitan ng email address na [email protected] o magpadala ng mensahe sa DILG Center for Federalism and Constitutional Reform team sa Facebook page na Pederalismo.
Ang online page ay bukod pa sa isinasagawang information drive sa Federalismo at roadshows sa mga rehiyon para sa dagdag na public awareness.
Ani Malaya, layunin ng nasabing hakbang na bigyan ang publiko ng matalinong pag-unawa sa Federalism at maging bukas din sa kritisismo. VERLIN RUIZ
Comments are closed.